Batang Pinoy mindanao leg Davao kumubra ng 2-gold sa athletics

TAGUM--Iniwan ni Jo­­mar Angga ang mga ka­­tunggali sa dalawang lap para hirangin bilang kauna-unahang gold me­dalist sa 2013 Batang Pinoy Mindanao qualifying leg na nagbukas kahapon sa Davao del Norte Sports and Tourism Center dito.

Naorasan ang 13-an­yos tubong Davao City ng 19 minuto at 35.6 segundo para iwanan ang ka­kamping si Edrian Bentulan (19:54) at John Rey Ulanday ng Koronadal City (20:04.7).

“Bumagal sila at ito ang nakita kong pagkakataon para iwan sila,” wika ni Angga, na isang second year mag-aaral sa Davao City National High School.

Isa pang Davao City bet na si Fernando Jison Jr. ay nanalo sa boy’s high jump para iparamdam ng de­legasyon ang kahandaan na magdomina sa athletics.

Nalagpasan ng 5’11 na si Jison ang 1.70 bar para talunin sina Louie Restauro ng General Santos City (1.50m) at Joel Torralba Jr. ng Davao City (1.30m).

Si Christien Joy Jorban ng Gensan ang lumabas na kauna-unahang gold medalist sa kababaihan nang dominahin ang girls’ long jump sa 4.76m marka.

Ang kakamping si Jessica Jane Cora (4.39m) ang naghatid ng pilak habang ang bronze ay kinuha ni Pauline Paquierda ng South Cotabato (4.31m).

Hindi naman nasayang ang mga panatiko ng host province dahil nanalo rin ng ginto ang panlaban na si Asher Chem Sab sa boys’ shotput nang maihagis ang aparato sa 10.49-metro distansya habang si Frien­ces Diane Balbaguio ng Koronadal ang kampeon sa girls’ 2000m walk sa 14:38.2 tiyempo.

Nasa 2,100 atleta mula sa 81 LGUs ang sumali sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa mga 15-anyos pababa upang magkaroon ang mga ito ng pagkakataon na maipakita ang talento sa palakasan.

Show comments