Lipa NCAA commissioner uli

MANILA, Philippines - Muling iniluklok ang dating national coach na si Joe Lipa bilang basketball commissioner ng Season 89 ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) na itataguyod ng College of St. Benilde.

Ito ang ikalawang sunod na taon na iniupo ng liga si Lipa para pamahalaan ang pagpapatakbo ng basketball event na magbubukas na sa Hunyo 22 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang nagdedepensang San Beda ay makikipagsukatan sa host CSB sa ganap na alas-4 ng hapon bago sundan ng San Sebastian at Letran dakong alas-6 ng gabi.

Pinasalamatan ng 68-anyos na si Lipa ang pagtitiwala na patuloy na ibinibigay sa kanya ng Policy Board at Management Committee  ng pinakamatandang collegiate sa bansa.

Muli ring tinapik ni Lipa  ang Basketball Referees Association for Schools, College and Universities (BRASCU) na pinamumunuan ni Romy Guevarra na siya ring technical head uli ng NCAA.

Show comments