FEU cagers kalaboso dahil sa ‘damo’

MANILA, Philippines - Nahulihan ng marijuana kahapon ang dalawang Tamaraws ng Far Eastern University na sina American center Anthony Hargrove, Jr. at Canadian Adam Mohammed sa Nicanor Reyes Street sa panulukan ng Recto  Avenue  sa University Belt area malapit sa FEU campus.

Nakuha kina Hargrove at Mohammed ang dalawang marijuana sticks at sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Kaagad na dinala ng mga pulis ang dalawang FEU cagers sa MPD Station 4 sa distrito ng Sampa­loc at nahaharap sa pagla­bag sa Comprehensive Anti-Drugs Act.

Wala pang opisyal na pahayag si  Tamaraws head coach Nash Racela kaugnay sa insidente dahil sa kanyang pamamahala sa ensayo ng Talk ‘N Text sa Moro Lorenzo Gym.

Sa kanyang UAAP debut noong nakaraang season, nagtala si Hargrove ng mga averages na 7.6 points, 7.7 rebounds at 1.1 shotblocks para sa Tamaraws. Nagsisilbi naman ng kanyang residency si Mohammed.

Sa ilalim ng Republic Act 9165, ang parusa sa taong nahulihan ng ipinagbabawal na gamot o droga ay pagkakakulong ng mula 12 taon at isang araw hanggang 20 taon bukod pa ang multang P300,000 hanggang P400,000.

Show comments