NLEX, Big Chill magpapatatag sa puwesto

Laro Ngayon

(San Juan Arena)

12 n.n. Big Chill vs Boracay Rum

2 p.m. NLEX vs Fruitas Shakers

4 p.m. Blackwater vs JRU

 

MANILA, Philippines - Palalakasin ng NLEX at Big Chill ang kapit sa una at ikalawang puwesto sa pagharap sa magkahi­walay na katunggali sa triple-header sa 2012 PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa San Juan Are­na.

Ang Super Chargers na may tatlong sunod na panalo ay mapapalaban sa wala pang panalong Boracay Rum sa unang laro sa ganap na alas-12 ng tanghali kasunod ang laban ng Road Warriors kontra sa Fruitas Shakers sa alas-2 ng hapon.

Huling tagisan sa alas-4 ay sa pagitan ng umiinit na Blackwater Sports laban sa Jose Rizal Univer­sity.

May 4-0 baraha ang NL­EX ni coach Boyet Fer­nandez pero hindi si­ya masaya sa takbo ng kan­yang koponan dahil nahirapan sila sa huling dalawang laro laban sa JRU (91-87) at Informatics (88-81).

“Hindi ko alam bakit hindi kami consistent sa buong laro,” wika ni Fernandez na mayroong 21-0 kar­ta sapul noong Enero 30.

Kailangan nilang mag­latag ng depensa dahil ang Fruitas ay magtatangkang bumangon matapos ang 64-69 pagkatalo sa Blackwater Sports.

Si Olaide Adeogun ang pangunahing babantayan sa tropa ni coach Nash Racela na naghahatid ng 22 puntos at 11.5 rebound sa dalawang laro.

Ikaapat na panalo ang hahagipin naman ng Big Chill sa Waves.

Show comments