^

PSN Opinyon

Irregular ang menstruation; Sintomas ng menopause

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

ANG normal na menstruation ay mula 21 hanggang 35 araw. Ito ang panahon na kumakapal ang matris at nalalagas ito sa pagkakaroon ng menstruation. Kadalasan, tumatagal ng mula dalawa hanggang pitong araw ang regla.

May mga babae na irregular ang menstruation. Minsan mahina ang menstruation, at minsan masyadong malakas at tumatagal ng lampas pitong araw. Minsan naman ay mahaba ang pagitan sa pagdating ng menstruation (lampas 35 araw).

Heto ang mga posibleng dahilan:

1. Pagbubuntis – Kung may problema sa pagbubuntis tulad ng ectopic pregnancy (sa labas ng matris nabuo ang fetus), magiging irregular ang menstruation.

2. May bukol sa matris – Posibleng may kondisyon sa matris­ tulad ng myoma, ovarian cyst, polyp at iba pang bukol. Mag­pasuri sa doktor.

3. Pag-inom ng gamot – Ang pag-inom ng aspirin at warfarin ay nakalalabnaw ng dugo. Dahil dito, posibleng lumakas ang pagdurugo. Ang pag-inom ng gamot sa depression at utak ay puwede rin magpahinto ng menstruation.

4. Stress – Bukod sa stress, ang pagtrabaho sa gabi o night-shift workers ay posibleng magdulot ng irregular mens­truation. Nagugulo ang tamang oras ng katawan.

5. Paninigarilyo – Ang sigarilyo ay posibleng magdulot ng irregular menstruation.

6. Sobra sa pag-ehersisyo – Kapag matindi ang eher­sisyo, aakalain ng katawan na ikaw ay may “stress”. Dahil dito at pansamantalang titigil ang menstruation.

7. Kulang sa nutrisyon – Kung kulang ang sustansya ng iyong kinakain, magkukulang ka sa dugo at magiging maputla ang menstruation.

8. Menopause – Ang pangkaraniwang edad ng menopause ay mula 48 hanggang 55. Nagiging irregular ang regla, humi­hina at tuluyang titigil na.

9. Mga sakit sa thyroid tulad ng hyperthyroidism at hypo­thyroidism. Ang PCOS (polycystic ovary syndrome) ay nag­dudulot ng hormonal imbalance at pagloloko ng menstruation. Kumunsulta sa doktor.

***

Sintomas ng menopause

Karamihan sa senyales at sintomas ng menopause ay panadalian lamang. Narito ang mga payo:

1. Kumain ng sapat. Kailangang kumain ng kumpleto kabilang na ang mga prutas, gulay, at buong butil o whole grains at limitahan ang pagkain ng mga taba, mamantika at matatamis. Kabilang dito ang pag-take ng calcium at vitamin D galing sa pagkain o tableta kada araw.

2. Magkaroon ng maayos na tulog. Iwasan ang uminom ng kape sa gabi.

3. Mag-ehersisyo araw-araw. Maglaan ng 30 minuto na katamtaman bigat ng mga gawain lalo na sa umaga para makatulong laban sa pagtanda. Makatutulong din ito sa pagbawas ng timbang at stress.

4. Kung mayroong panunuyo sa pwerta o makaramdam ng sakit habang nagtatalik, gumamit ng over-the-counter na water-based lubricants (tulad ng KY Jelly). Makatutulong rin kung aktibo ka pa rin sa pagtatalik.

5. Hot flashes o mainit na pakiramdam. Subukan mag-ehersisyo. Alamin kung ano ang nagpa-trigger sa hot flashes, maaaring kabilang dito ang mainit na inumin, maanghang na pagkain, alak, mainit na panahon at lugar.

6. Kumain ng soya tulad ng soy milk at tokwa. Ang soya ay karaniwan pinagkukunan ng isoflavones, isang compound na maaaring makatulong sa hot flashes. Kung may kanser sa suso, kausapin ang iyong doktor bago kumain nito.

7. Mag-practice ng mag-relax. Ang mga technique gaya ng malalim na paghinga, guided imagery (pag-isip ng magagandang bagay at lugar), yoga, at meditation ay makatutulong sa iyo na makaya ang pabago-bagong mood, stress at pagtulog.

Stages ng menopause:

1. Peri-menopause. Magsisimulang maranasan ang sintomas ng menopause kahit na ikaw ay kasalukuyang pang nireregla. Ang antas ng iyong hormone ay tumataas at bumababa ng hindi pantay, at makararanas ng hot flashes at iba pang sintomas. Ito ay tumatagal ng apat hanggang limang taon o higit pa. Sa panahong ito, maaari pa ring mabuntis ka.

2. Post-menopause. Kapag umabot na sa 12 buwan mula noong ikaw ay huling mag-regla, ibig sabihin nito ay menopause na. Sa panahon ng post-menopausal at sa mga susunod na panahon, ang iyong obaryo ay mahina na gumawa ng sex hormones at hindi na magpapalabas ng itlog. Kaya hindi ka na mabubuntis.

Kailan pupunta sa OB-Gyne doctor:

Ang pagdurugo pagkatapos mag-menopause ay hindi normal at dapat masuri agad ng iyong doktor. Ang dahilan ng pagdurugo ay maaaring hindi delikado, ngunit ang post-menopausal bleeding ay maaaring senyales ng kanser.

MENOPAUSE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with