Mga payo sa sinusitis
ANG sinusitis ay nangyayari kapag ang paligid ng daanan ng ilong (sinuses) ay namamaga. Ang pamamaga nito ay nagpapasarado sa daanan, kaya mahirap para sa sinuses na maalis ang nakabara. Ang sakit nito ay nagreresulta para mamaga kapag ang sipon ay nabuo rito.
Ang sintomas nito ay ang pananakit sa palibot ng mata o pisngi, pagbabara ng ilong, dahilan para mahirapan huminga sa ilong, dilaw o berdeng uhog sa ilong o pababa sa iyong lalamunan.
Ang acute sinusitis ay kadalasang dahilan ng sipon. Ang matagalang sinusitis ay maaaring dahil sa impeksyon, allergy, nasal polyps o deviated septum.
Payo sa sinusitis at sipon:
1. Mag-apply ng warm compress. Ilagay ang mainit-init na basang towel sa ilong, mukha, at mata para mawala ang sakit.
2. Uminom ng maraming tubig o iba pang inumin. Ang tubig ay nakatutulong para palabnawin ang sipon at lumuwag ang mga daluyan nito. Iwasan uminom ng kape at alak, dahil ito ay nakapagpapanuyo.
3. I-steam ang sinuses. Ito ay makatutulong mawala ang sakit at matanggal ang plema. Talukbungan ng towel ang iyong ulo at maingat na langhapin ang singaw ng tubig mula sa palangganang mayroong pinakulong tubig. Panatilihin na ang singaw nito ay direkta sa iyong mukha. O kaya ay maligo ng mainit na tubig at langhapin ang basang singaw nito.
4. Magkaroon ng sapat na pahinga. Ito ay makatutulong sa iyong katawan para labanan ang impeksyon at mabilis na gumaling.
5. Matulog na nakaangat ang ulo. Ito ay makatutulong para ang iyong sinuses ay lumuwag.
6. Nasal lavage. Ito ay paghuhugas sa daanan ng ilong (lavage) at pinalalabas nito ang sobrang sipon at dumi at nakatutulong din para mabawasan ang pamamaga ng sinuses. Ang lavage ay parang bombilyang syringe o neti pot.
7. Mag-ingat sa mga decongestant nasal spray. Ang decongestant nasal spray ay nakatutulong para lumuwag ang daluyan ng sipon, ngunit maaari mo lamang itong gamitin isang beses sa isang araw sa maikling panahon na hanggang 3 araw lamang.
Kumunsulta sa doktor kung ang sintomas ay walang pagbabago pagkalipas ng ilang araw o kung ito ay lumala pa, o kung mayroong history ng pabalik-balik o malalang sinusitis. Kung ang iyong sinusitis ay resulta ng impeksiyon dahil sa bakterya, ang iyong doktor ay maaaring magreseta ng iniinom na antibiotic o iba pang gamot.
Tips kung barado ang ilong
1. Uminom ng 8-12 basong tubig sa isang araw. Maaari ring uminom ng sopas, tsa at juices.
2. Maligo sa shower gamit ang mainit na tubig. Isara ang pinto sa banyo para makulob ang usok na manggagaling sa mainit na shower (parang sauna). Ang steam o usok ay may water vapor na nagpapalabnaw ng plema.
3. Subukan ang steam inhalation. Magpakulo ng 2 litrong tubig sa isang kaldero. Kapag kumulo na, palamigin ng 10 minuto at isalin ang tubig sa isang plastic na palanggana. Ilapit ang mukha ng 6 inches sa mainit na tubig. Itaklob ang tuwalya sa ulo habang nakatapat sa palanggana. Ito’y para makulob ang init at malanghap ang usok na nanggagaling sa tubig. Puwedeng mag-steam inhalation ng 3 o 4 beses sa maghapon.
4. May tulong ang Saline Spray na nabibili sa botika. Isa itong botelya na ipinapasok sa ilong at ini-spray. Sa ganitong paraan, mapalalabnaw at matutunaw ang plema sa ilong.
5. Gumamit ng warm compress. Ilubog ang tuwalya sa mainit na tubig at pigain. Ilagay ang mainit na tuwalya sa bandang ilong at noo. Ang warm compress ay nakababawas ng kirot at pamamaga ng sinus.
6. May mga nabibiling gamot para sa sipon pero hindi ito puwedeng inumin ng pangmatagalan. Minsan, nakaaapekto rin itong mga gamot sa iyong blood pressure.
7. Kung may allergy, umiwas sa mga bagay na nakaka-allergy. Linisin ang kuwarto at linisin ang mga gamit, kama, sopa at rug. Labhang maigi ang unan, kumot, tuwalya at baro. Ang mga balahibo mula sa alagang hayop at stuffed toys ay nakaka-allergy din. Kung matindi ang allergy, puwede ring uminom ng gamot sa allergy ng paminsan-minsan.
- Latest