^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Earth Day

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Earth Day

Ginunita ang Earth Day kahapon (Abril 22) sa ma­raming panig ng mundo. Unang ginawa ang Earth Day noong Abril 22, 1970 na ang layunin ay mapa­ngalagaan ang mundo sa pagkawasak o pagkasira. Ipinaalala ang nililikhang perwisyo ng air at water pollution sa mundo. Nabubutas ang ozone layer dahil sa labis na pagkalason mula sa usok ng mga sasakyan, pabrika at pagsusunog ng mga basura. Pinaalala ang iresponsableng pagmimina at ang walang puknat na pagsira sa mga bundok. Kinakalbo ang mga gubat at binibigyang babala ang nagpaparumi sa mga ilog at dagat.

Pagkalipas ng 55 taon mula nang unang isagawa ang Earth Day celebration, marami nang nangyari sa mundo. Ang layuning ingatan ang mundo ay hindi naipatupad sapagkat maraming tampalasan. Mas mahalaga ang kikitain kaysa pag-aalaga ng likas na yaman. Ngayon, nanganganib ang mundo na maging kasing-init ng impiyerno dahil sa pagkabutas ng ozone layer.

Ang kakaibang init na nararanasan ngayon—ka­sama ang Pilipinas—ay sinisisi sa air pollution na bumu­butas sa ozone layer. Ayon sa PAGASA, mas titindi pa ang mararanasang init sa Mayo. Noong Lunes, naitala ang pinakamataas na heat index (47 degrees Celsius) sa San Ildefonso, Bulacan.

Ayon pa sa PAGASA ang nararanasang tindi­ ng init ay iniuugnay sa climate change. Pero mas maraming eksperto ang nagsasabi na ang pagkaubos ng mga punongkahoy sa kagubatan ay malaki ang kaugnayan sa nararanasang heat wave. Kalbo na ang mga kagu­batan at kung magpapatuloy ang pagsira sa mga kabundukan, maaaring tumindi pa ang init na mararanasan sa hinaharap.

Ayon sa report, may kabuuang 15 milyong ektarya ng kagubatan sa bansa subalit pitong milyong ektarya na lamang ang may mga punongkahoy. Kalbung-kalbo na ang kagubatan!

Ang problemang ito ay hindi naman nalilingid kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga. Nalalaman niya na malaking bahagi ng kagubatan ang wala nang nakatanim na punongkahoy kaya target ng kanyang tanggapan na madagdagan ang forested lands—mula sa pitong ektarya ay gagawing 10 ektarya pagsapit ng 2028. Ginagawa na umano ng DENR ang lahat para mataniman ng punongkahoy ang mga classified forest lands sa ilalim ng National Greening Program.

Inaasahan na magkakaroon ng katuparan ang mga sinabi ng DENR chief at hindi pawang plano lamang. Kailangang makapagtanim ng puno upang maprotektahan ang mga bundok sa pagguho.

Isalba ang mundo sa pagkasira. Walang halaga ang pagdiriwang ng Earth Day kung walang pagkilos. Labanan ang mga lapastangan sa kapaligiran.

EARTH DAY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with