EDITORYAL — Pagtaas ng electric bill
KAPAG dumating ang electric bill, maraming pamilya ang nasa-shock: bakit ganito kataas?
Ito ang nag-udyok kung bakit magkakaroon ng Senate inquiry sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente at sa nararanasang “bill shock” ng mga konsyumer. Ayon sa report, tumaas ang residential rate ng Meralco mula P13.2730 kada kilowatt-hour noong Enero hanggang P14.8261 kada kilowatt-hour ngayong Hulyo. May mga reklamo rin ng biglaang paglobo ng bill, disputed meter readings, at system loss charges na ipinapasa sa mga nagbabayad na konsyumer.
Hindi maliit na bagay ang kuryente. Hindi ito luho na puwedeng basta bawasan o alisin. Kailangan ito sa trabaho, pag-aaral, pagkain, seguridad, at araw-araw na pamumuhay. Kapag tumaas ang singil, hindi lang ilaw ang pinag-uusapan. Apektado ang budget sa pagkain, pamasahe, renta, gamot, at tuition.
Totoo na maraming dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng kuryente. May generation cost, fuel prices, foreign exchange, taxes, transmission charges, at iba pang market factors. Pero hindi sapat na sabihin lang sa publiko na “tumaas ang generation charge.” Kailangang malinaw kung alin sa singil ang lehitimong gastos, alin ang dahil sa inefficiency, at alin ang pasang gastos na hindi naman dapat sinasalo ng ordinaryong konsyumer.
Dito dapat pumasok ang Energy Regulatory Commission. Hindi sapat na parang calculator lang ito ng mga singil na ipinapasa sa mga konsyumer. Dapat itong maging tunay na bantay ng publiko. Kung may reklamo sa meter reading, dapat madaling ma-verify. Kung may biglaang paglobo ng bill, dapat mabilis maimbestigahan bago manakot ng disconnection. Kung may system loss dahil sa illegal connection, jumper, o meter tampering, bakit ang konsyumer ang sumasalo. Hindi dapat maging shock absorber ng power sector ang bulsa ng konsyumer.
Tama rin na tingnan ang mas malaking sistema. Kung mataas ang generation cost, bakit? Kung may inefficiency sa grid, ano ang ginagawa ng NGCP at regulators? Kung may taxes at charges na nagpapabigat sa bill, alin ang puwedeng repasuhin ng Kongreso? Kung may mga singil na paulit-ulit na ipinapasa sa publiko, panahon nang tanungin kung sapat pa ba ang proteksyon ng batas sa ordinaryong konsumer.
Hindi sinasabing huwag kumita ang power companies. Pero sa basic service tulad ng kuryente, hindi puwedeng laging publiko ang huling tagasalo ng lahat ng gastos, risk, at pagkukulang.
Ang hinihingi ng mga tao ay simple: malinaw na bill, patas na singil, mabilis na aksyon sa reklamo, at regulasyong hindi lamang pabor sa kompanya kundi sa konsyumer. Sa bawat taas-singil sa kuryente, may pamilyang napipilitang mamili kung ano ang uunahin: ilaw ba, pagkain, o ibang pangangailangan.
- Latest
















