BFF ni PACQ dapat tugisin

Sabi nila nasa Davao lang si Quiboloy, eh bakit hindi mahuli-huli sa kabila ng mga arrest warrants sa kanya? Nationwide manhunt na raw ang inilunsad ng PNP ngunit kung tala­gang nasa Pilipinas pa si Quiboloy ay wala akong makitang dahilan upang hindi madakip ang isang taong kasing-prominente niya.

Aba’y sino ba ang hindi makakakilala sa makisig niyang anyo na palaging nakikita sa television na napalilibutan ng mga magagandang singers?

Dapat siguro ang hulihin muna ay ang kumakandili at nagtatago sa kanya. Puwede itong kasuhan ng obstruction of justice at arestuhin. Kaso mahirap yatang gawin iyan sa isang dating may mataas na katungkulan at kontrolado pa rin ang Davao City.

Alam na natin na ang pinakamabigat na kaso laban sa religious­ leader ay ang qualified human trafficking na walang inirerekomendang piyansa. Lehitimong kasong kri­minal ang mga kaso ng pastor at hindi na matatawag na politically motivated. Pati nga sa U.S. ay may ganyan ding kaso si Quiboloy na kaibigang matalik ni dating Presidente Duterte.

Ganyan ba talaga? Kapag ang kasanggang dikit mo ay dating Presidente nasa safe side ka? Nasaan na ang sina­sabing no one is above the law?

Kawawa naman ang mga maralita na walang kapit. Ma­dalas, napagbintangan lang ay kalaboso na. Eh yung mga people in power, kahit pumapatay nang marami masaya pa ring nasa laya.

Tapos sasabihin nila na mayroon tayong maayos na jus­tice system kaya hindi dapat manghimasok sa mga kaso sa Pilipinas ang International Criminal Court.

Show comments