Kaligtasan ng mga pasahero siguruhin ng PNP

DAGSA na ang maraming pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), bus stations at pantalan para umuwi­ sa kani-kanilang mga probinsiya upang gunitain ang Semana Santa. At ngayon dapat magtrabaho nang husto ang Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Armed Forces of the Philippines at iba’t ibang ahen­siya upang maging ligtas at maayos ang pagbibiyahe ng ma­mamayan sa lahat ng oras.

Sa panahon ngayon na kaliwa’t kanan na naman ang pagsalakay ng mga terorista, dapat masiguro ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pilipino at dayuhan sa bansa lalo nga­yong Semana Santa. Maging mapagmatyag ang awtoridad at baka may makalusot na terorista. Sa mga ganitong panahon sumasalakay ang mga terorista na wala nang kinikila­lang Diyos.

Malaking hamon naman ito kay PNP chief Gen. Benjamin­ Acorda Jr., na nakatakda nang magretiro sa Linggo (Marso 31). Dapat ideploy ni Acorda ang lahat ng pulis sa kalye upang makapagbigay ng proteksyon sa mamamayan na uuwi sa kani-kanilang mga probinsiya. Atasan niya ang Highway Patrol Group (HPG) na bantayan ang mga kalsada upang maiwasan ang disgrasya. May mga motorist na walang disiplina sa pagmamaneho. Bara-bara at ang iba ay lasing.

Aktibo rin ngayon ang mga akyat bahay at iba pang criminal. Kaya paalala sa mga magbabakasyon, huwag na ninyong i-post sa FB na uuwi kayo ng probinsiya. Baka akyatin ng magnanakaw ang inyong bahay. Baka pag-uwi n’yo limas ang inyong bahay.

Sikapin ng PNP na maproteksiyunan ang mamamayan ngayong Holy Week. Bago man lang magretiro si General Acorda ay naipakita niya sa mamamayan ang kanyang mahusay at walang katulad na paglilingkod.

Show comments