Ihihiwalay ang Mindanao

Isinusulong ni dating President Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas. Isusulong daw niya ito sa pamamagitan ng Peoples Initiative o pagpapapirma sa mama­mayan. Alam kaya ni Duterte na nakasaad sa Constitution na ang Luzon,Visayas at Mindao ay hindi puwedeng pag­hiwalayin.

Palagay ko, dismayado na ang dating Presidente nang unti-unting makapasok ng bansa ang mga miyembro ng International Criminal Court (ICC). Ang hinala nito ay si President Ferdinand Marcos Jr. ang nagbibigay ng basbas­ para makapasok. Habang nag-aalboroto si Duterte, lumutang na naman si dating police MSgt. Arturo Lascañas at inakusahan si Digong at Vice President Sara Duterte na utak ng “tokhang”.

Mariin namang pinasinungalingan ni Sara ang akusasyon ni Lascañas. Pahayag ni Sara, kung may kinalaman siya sa mga panibagong pasabog ni Lascañas, sampahan na lamang siya ng kaso sa korte ng Pilipinas at handa niya itong harapin.

Sa ngayon litung-lito na ang mamamayan kung sino ang nagsasabi ng totoo. Bago ang pahayag ni Duterte na ihihiwalay niya ang Mindanao, sinabi niya sa prayer rally noong Linggo, kabilang si Marcos Jr. sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Mayor pa lang daw siya ng Davao City noon.

Tinawanan naman ito ni Marcos Jr. at sinabing epekto­ raw iyon ng iniinom nang matinding pain reliever ni Duterte. Anim na taon nang umiinom si Duterte ng pain reliever at mayroon ito side effects kaya marahil ganun ang mga sinasabi nito.

Naghamon naman si Duterte kay Marcos Jr. na sabay silang magpa-drug test at doon ito gawin sa Quirino Grandstand. Hindi naman sinagot ni Marcos Jr. ang hamon ni Duterte. Abangan.

Show comments