EDITORYAL - Nasaan, iba pang agri smugglers?

SA wakas, kumilos din ang Department of Agriculture (DA) laban sa agricultural smugglers. Bakit ngayon lang? Sinabi ng DA na sinampahan na nila ng 20 counts ng large-scale agricultural smug­gling ang Victory JM Enterprise at Asterzenmed Inc. dahil sa paglabag sa Food Safety Act of 2013 (Republic Act 10611) at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 (RA 10845). Ayon sa DA, pinagbasehan ng pagsa­sampa ng kaso sa dalawang importers ang nakum­piskang agricultural goods na nagkakahalaga ng P397.97 milyon.

Ayon kay DA Assistant Secretary James Layug nakatanggap sila ng derogatory information na 57 shipping containers—37 nito ay naka-consigned sa Asterzenmed Inc. at 20 sa Victory JM Enterprise—hinihinalang may laman na smuggled agricultural products. Nang buksan ang 12 shipping containers­ ng Asterzenmed Inc. at Victory JM Enterprise noong Dis. 15, 2022, nakita ang mga pula at puting sibuyas­, frozen mackerel, frozen buffalo meat at frozen round scad na nagkakahalaga ng P73.9 milyon. Galing Hong Kong at China ang mga containers. Noong Disyembre 19, 20, 21 at Enero 6 at 9, 2023 muling nakasabat ng agricultural products sa mga containers ng Inc. at Victory JM Enterprise. Sa kabuuan, P397.97 milyon ang halaga ng mga smuggled agri products.

Malaking karangalan sa DA ang pagkakasabat­ sa sandamukal na smuggled agri products sa Asterzenmed at Victory. Pero kung tutuusin maliit pa ang mga ito. Pawang “dilis” ang mga ito kumpara sa ibang agri smugglers na ayon sa Bureau of Customs (BoC) ay may total na 30.

Nakapagtataka rin kung bakit hindi pinapanga­lanan ang mga may-ari ng kompanya.

Marami ang matutuwa kung pangangalanan ang mga smugglers at agaran ding makakasuhan gaya ng ginawa sa Asterzenmed at Victory na sinampahan ng kaso ng DA.

Kung masasampahan ng kaso ang mga nanana­botahe sa ekonomiya, makakahinga na nang maluwag ang mga lokal na magsasaka at magggugulay na unti-unting pinapatay ng agri smugglers.

Show comments