Housing sa mahirap nasa tamang direksyon
Kapag nagtagumpay si Presidente Bongbong Marcos na mapunan ang kakulangan ng pabahay para sa mahihirap, nasa tamang direkyon ang administrasyon. Malamang na malamang, babalik ang tiwala ng bayan sa mga Marcos.
Kamakalawa, nasa Quezon City ang presidente, kasama si QC Mayor Joy Belmonte upang inagurahan ang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program (4PH). Ang mga benepisyaryo rito ay maraming tricycle drivers sa lungsod.
Kung ang layunin ni Marcos Jr. sa pagiging presidente ay burahin ang masamang batik sa kanilang pamilya na iniwan ng nakalipas na administrasyon ng kanyang ama, tamang-tama ang programang ito, kalakip ang paglikha nang maraming trabaho para sa bawat Pilipino.
Mabuti’t mayroon na muli tayong Department of Human Settlement and Urban Development na magtataguyod sa magkakambal na programang ito: Pabahay at paglikha ng hanapbuhay. Noong panahon ni Marcos Sr. mayroon nang napasimulang ganyang programa, dangan nga lamang at naunsiyami nang patalsikin ng EDSA I ang noo’y presidente.
Wala akong duda na determinado si Marcos Jr. na magtagumpay ang programa niyang ito. Paglalaanan daw ng pamahalaan ng halagang P1 bilyon ang programang ito sa kapakanan ng mga mararalita.
Matindi pa rin kasi ang blackeye at peklat ng naunang Marcos administration kaya naniniwala ako na hindi maglulubay si PBBM na itaguyod hanggang sa magtagumpay ang programang ito. Iyan lang at wala nang ibang paraan ang makapaglilinis sa narumihang imahe ng mga Marcos.
Kaya dayunyor, pagbutihan mo hane?
- Latest