^

PSN Opinyon

‘Sex change’

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang kasong ito ay tungkol kay Toni na ang mga magulang ay sina Mr. at Mrs. Santos. Ipinanganak siya na ang inilagay na pangalan sa birth certificate ay “Toni Gregorio” at ang kasarian ay lalaki. Pero mula pagkabata hanggang tumanda ay lagi niyang naiisip na siya ay babae at kumikilos bilang babae.

Lagi niyang kabarkada mula elementarya ay puro babae hanggang hayskul at kolehiyo. Ang pakiramdam niya ay isang babae siya na nakulong sa katawan ng lalaki. Kumunsulta siya sa iba’t ibang doctor at nagpasuri, sumailalim sa hormone treatment, breast augmentation at hanggang sa makapagpaopera ng ari (sex reassignment) sa ibang bansa.

Mula noon ay namuhay na bilang babae si Toni. Sa katunayan ay nakakuha pa siya ng doctorate degree sa ibang bansa at dapat ay ikakasal na sa isang lalaki. Engaged na sila, ika nga. Ang kulang na lang ay ang pagpapalit ng ka­sa­­rian niya sa civil registrar. Kaya nagsampa si Toni ng petisyon sa RTC para palitan ang pangalan niya mula “Toni” ay maging “Tonia” at mula sa pagiging lalaki ay maging babae siya sa birth certificate.

Matapos ang kaukulang pag-skedyul ng paglilitis ay dininig ang petisyon. Naisumite ang lahat ng dokumento (jurisdictional requirements) na hinihingi ng batas. Wala rin kumontra.

Isinalang na testigo si Toni at ang doctor na gumawa ng medical certificate tungkol sa kanyang sex reassignment. Nag­labas ng desisyon ang korte. Pinayagan ang kahili­ngan ni Toni ayon na rin sa hustisya at pagkakapantay-pantay ng tao, total daw ay walang mapipinsala sa komu­nidad at mabi­bigyan pa ng kaligayahan si Toni at ang kanyang mapapangasawa dahil matutupad ang kanilang pangarap. Pa­ngatlo, walang ebidensiya o matibay na dahilan kung bakit hindi pagbi­bigyan ang petisyon.

Pero isinantabi ng Court of Appeals ang desisyon ng RTC. Ayon sa CA ay wala pa tayong batas na pumapayag na palitan ang pangalan at kasarian sa birth certificate ng isang tao dahil lang sa sumailalim siya sa sex reassignment. Tama ba ang CA?

Sumang-ayon ang Supreme Court sa Court of Appeals. Ayon sa SC, wala talaga tayong umiiral na batas sa Pilipinas na pumapayag sa pagpapalit ng pangalan at kasarian na nakalagay sa birth certificate dahil lang sa sex reassignment. Ang pagpapalit ng pangalan ay pinapayagan at ginagawa ng misyong siudad o munisipyo o kaya ay kahit ng consul general kung ito ay pagkakamali lang sa spelling o typographical error/clerical error lamang. Maaari din itong palitan ng korte kung mapapatunayan na (1) masyadong katawa-tawa o kaya ay nakakahiya ang pagbigkas o kaya naman ay napakahirap bigkasin ang pangalan, (2) ang unang pangalan o ang palayaw ang laging gamit ng taong sangkot at kilala na siya ng publiko sa pangalan na iyon; at (3) makakaiwas sa pagkalito ang pagpapalit ng pangalan (Sections 1 & 4, RA 9048).

Ang tinatawag natin na clerical error ay pagkakamali lang sa pagsulat, pagkopya o pag-type sa detalye sa birth certificate sa civil registrar. Mababaw lang ang pagkakamali tulad ng pagkakamali sa pangalan o sa lugar ng kapanganakan. Kitang-kita ito ng mata at hindi na kailangan ng paliwanag dahil madaling itatama sa pagkumpara lang sa ibang rekord. Pero ang pagpapalit ng nationalidad, edad, estado, at kasarian ng isang tao ay hindi puwedeng payagan (Section 2[c] RA 9048).

Ayon sa batas (Article 407 Civil Code), ang pinapayagan lang itama ng korte ay ang mga detalye tungkol sa kapasidad, estado at nationality ng isang tao. Pero hindi maituturing na kasama sa kategoryang nabanggit ang sex reassignment. Hindi nga ito kinikilala sa batas. Walang malinaw o kahit pa disimuladong pagbabanggit sa kahit anong batas ang tungkol dito. Kung walang ginawang paglilinaw tungkol sa ibig sabihin ng “sex”, “male” o “female” sa kahit anong batas tulad ng Civil Registry Law at iba pa, dapat ay walang konotasyon tungkol sa simpleng ibig sabihin nito. Ang malinaw lang sa batas, ang “sex” o kasarian ay ang nagdidikta kung lalaki o babae ang isang tao base sa kanyang istruktura. Ang lalaki o “male” ay may spermatozoa samantalang ang babae (female) ay may “ova”. Hindi kasama sa mga salitang nabanggit ang tungkol sa mga taong sumailalim sa sex change. Ang “sex” na nakapaloob sa Civil Registry Law ay ipinatupad simula pa noong 1900 at hindi nabago. Hindi puwedeng basta magpaopera at magpapalit ng kasarian para lang makalusot sa batas.

Isa pa, ang mga pagbabagong gustong mangyari ni Toni ay magkakaroon ng seryoso at malawakang legal at pampublikong epekto. Ang kasal ay isa sa pinakasagradong institusyon sa ating bansa at isang espesyal na kontrata sa pagitan ng isang babae at isang lalaki. Isa sa mga kondisyon para masabi na may kapasidad na magpakasal ay dapat na isang babae at isang lalaki ang sangkot. Kung papayagan ang petisyon ni Toni ay parang pinaikot na rin natin ang batas. Siguradong mababago ang lahat ng umiiral na batas tungkol sa pamilya at kasal. Papayagan nito ang pagpapakasal ng isang lalaki sa kapwa lalaki dahil lang sa sexual reassignment. Ang umiiral na batas para pangalagaan ang kapakanan ng publiko ay tiyak na maaapektuhan kapag pinayagan ang petisyon. Kaya mali rin ang deklarasyon ng RTC na alinsunod sa dikta ng hustisya at pagkakapantay-pantay ang payagan ang petisyon (Silverio vs. Republic, G.R. No. 174689, October 22, 2007).

SEX CHANGE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with