EDITORYAL - Huwag magkampante kahit nasa Alert Level 3

Simula kahapon (Oktubre 16) ay nasa Alert Level 3 na ang Metro Manila na tatagal hanggang Oktubre 31. Pagsapit daw ng Nobyembre, baka mas ­maging maluwag pa. Ang pagluluwag sa Metro Manila ay ­inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19. Sa ilalim ng Alert Level 3, magluluwag na sa operational capacity ang mga establisimento gaya ng restaurant, barber shop, spa, gym, derma clinics, saloon at iba pa. Madadagdagan na ang bilang ng mga parukyano nang mga nabanggit na establisimento. Puwede na rin umanong buksan ang mga sinehan pero 30 percent lamang at pawang bakunado ang papapasukin. Nananatili pa ring bawal ang teatro, bar, amusement park at playgrounds.

Sa pagbaba ng Alert Level sa NCR, inaprubahan din ng IATF ang pagsasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ng mga sumusunod na lugar: Apayao, Kalinga, Batanes, Bataan, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Naga City, Zamboanga City at Zamboanga del Norte.

Magandang pangitain ang pagsasailalim sa Alert Level 3 ng Metro Manila sapagkat ito ang sentro ng negosyo. Kung patuloy na bababa ang kaso ng COVID sa Nobyembre, baka lubusan nang magluwag at gugulong na ang negosyo. Kung magpapatuloy ang pagbaba ng kaso sa Disyembre, magiging masaya na ang Pasko.

Pero hindi naman dapat kalimutan ang pag-iingat sapagkat may posibilidad na muling tumaas ang kaso kapag nagpabaya ang mga tao. Huwag magpakampante nang todo. Kahit mababa na ang kaso, ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask. Dapat magkaroon pa rin ng social distancing at parating maghugas ng kamay.

Magkaroon din ng pagsubaybay ang mga awtoridad sa mga mataong lugar gaya ng Divisoria, Quiapo at Baclaran na karaniwang pinupuntahan ng mga tao ­ngayong Kapaskuhan. Ipagpatuloy din ang pagbabakuna sa general public para maabot ang herd immunity bago matapos ang 2021. Apurahin ang pagbakuna sa mga menor-de-edad. Ang pagbaba ng kaso ng COVID sa Metro Manila ay dahil marami na ang nababakunahang indibidwal. Kung lahat ng taga-MM ay mababakunahan, tiyak na ang pagbangon ng ekonomiya at malalasap na ginhawa sa 2022.

Show comments