Sorry daw

NAG-SORRY si President Duterte nang mapatay sa drug operations sa Zambales ang apat na Chinese. Talaga naman. Nag-sorry kasi mga taga-mainland China na drug dealer ang napatay. Mga nagpasok ng P3.4 bilyong halaga ng shabu sa bansa na kung nakalusot ay ilang buhay ang sisirain sa ating mga mamamayan. Nakipag-barilan umano sa mga pulis ang apat. May body cams ba ang mga operatiba? Sana meron at maipakita ang video.

 “I’m sorry for the loss of human lives”, sabi ni Duterte na malinaw ay sa China pinaaabot ang paumanhin, hindi sa bansa. Humingi ba siya ng dispensa para sa libu-libong mga napatay sa kanyang madugong Oplan Tokhang, mga napatay para sa ilang pakete ng shabu lamang, o para sa sinumang mapatay ng mga pulis dahil nanlaban umano? Samantala itong mga napatay sa Zambales na 500 kilo ng shabu ang ipinasok sa bansa, may sorry na ipinaabot?

Mabuti at nasabat ng mga operatiba ang apat. Sa tingin ko nga marami na ang nakalusot mula China dahil may kasabwat dito sa atin. Sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa na nakakapasok. Ito ang dapat ding matukoy ng PNP. Mahirap at baka pagdating ng mga otoridad ay wala nang laman ang pinaglalagyan ng droga tulad ng nangyari sa mga ipinasok na magnetic lifters sa bansa noong 2018.

Ano na ang nangyari sa kasong isinampa laban sa mga sangkot umano sa pagpasok? Minura ba ni Duterte ang mga kompanyang may kinalaman sa pagpasok ng mga magnetic lifters na nataon ay pinamumunuan ng mga taga-mainland China? Parang hindi. 

Ganun na nga talaga. Kapag China ang pinag-uusapan ay dapat inaamo, sinusuyo, maging mahinahon ang administrasyong ito. Hindi bale kung bilyung-bilyong droga ang makapasok. Hindi na bale kung makapasok ang COVID-19 sa bansa mula China. Natatandaan ba ninyo ang pahayag ni DOH Sec. Duque noon na huwag pagbawalang makapasok ang mga taga-Mainland China noong pakalat pa lang ang COVID-19 at baka mabuweltahan ang bansa?

Kapag mga Pilipinong nahulihan ng iligal na droga sa ibang bansa ang binitay, humihingi ba ng paumanin ang kanilang pinuno? Kapag nasangkot sa krimen at nahuli, kailangang humarap sa batas, kahit saang bansa man maganap. Ang apat na Chinese na nagpasok ng napakaraming droga sa bansa, nakamit lang ang hatol ng ating bansa. Sana maging mensahe sa lahat ng taga-mainland China na hindi bagsakan ng iligal na droga ang Pilipinas. Sana.

Show comments