_ngayon
^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Dept. of OFWs isang bangungot

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Dept. of OFWs isang bangungot

Natapos ang mahabang State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Rodrigo Duterte (2 oras at 45 minuto) noong Lunes na walang binanggit ukol sa pagkakaroon ng tanggapan ng mga overseas Filipino Workers (OFWs). Ang tangi lang niyang nabanggit na may kaugnayan sa OFWs ay ang kafala system na puwede namang hindi muna isulong. Kaya wala nang aasahan ang mga “bagong bayani” sa pinapangarap na Department of OFWs na ipina­ngako ni Duterte noong 2016.

Sa una niyang SONA noong Hulyo 25, 2016, kasama sa kanyang mga ipinangako ang pagtatatag ng departamento para sa overseas workers. Pakiki­usapan daw niya ang Kongreso na gumawa ng batas para magkaroon ng Department of OFWs na mahalaga sa mga ito.

Ngayon, pagkaraan ng anim na taon, ang pangakong Department of OFWs ay isang bangungot na lamang. Wala nang pag-asang maging batas sapagkat bababa na si Duterte. Hindi na magkakaroon ng pagkakataon sapagkat pawang abala na ang mga mambabatas sa 2022 elections.

Binabalewala na ng mga mambabatas ang kapa­kanan ng OFWs. Maraming batas silang pinapanukala pero ang para sa OFWs ay hindi nila pinaprayoridad. Nalimutan na nila ang mga naitulong ng OFWs para makabangon ang hilahod na ekonomiya ng bansa.

Tanging si Senator Bong Go ang nagpapakita ng malasakit sa mga OFWs. Inihain niya ang Department­ of Overseas Filipinos (DoFil) noong nakaraang taon. Ayon kay Go, hangarin ng DoFil ang mabilis at epek­tibong pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng migrant workers at kanilang pamilya lalo sa panahon ng pandemya.

Dahil walang sariling tanggapan ang OFWs, hindi nila malaman kung saan susulong kapag may kaguluhan sa bansang pinagtatrabahuhan. Kapag may pandemya gaya nang nararanasan sa kasalukuyan, wala silang matakbuhan para mahingian ng tulong.

Kawawa ang OFWs at dapat itong malaman ng mga mambabatas. Marami sa mga OFWs ang duma­ranas ng pagkaapi, pang-aabuso at malagim na kama­tayan sa kamay ng kanilang mga amo.

Kung may tanggapan ang OFWs, mayroon nang pupuntahan ang mga inabuso at minaltrato ng employer. Kung may krisis, giyera at pandemya hindi sila kakaba-kaba sapagkat may mag-aasikaso na sa kanila.

Kaawaawa ang OFWs na umasa sa pangako­. Kaawaawa ang mga “bayani’’ na inasahan sa panahon­ ng krisis subalit binigo.

OFW
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with