_ngayon
^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Baha na may ihi ng daga

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Baha na may ihi ng daga

Problema na naman ang baha sa Metro Manila at ilang lugar sa bansa. Balik na naman sa dating­ problema na noon pa ay hindi masolusyunan. Kahit pa mayroong flood control project na ginastusan ng bilyong piso, balewala rin sapagkat mayroon pa ring baha. Nasayang lang ang pera ng taumbayan sa mga proyektong pangpigil sa baha.

Simula pa noong Martes, grabe na ang pag-ulan. Noong Huwebes, bumaha sa maraming lugar sa Metro Manila at Cavite. Kahapon, patuloy pa rin ang pag-ulan. Ayon sa PAGASA, ang pag-ulan ay dulot ng habagat. Paano pa kung bagyo ang manalasa, baka maulit ang Ondoy na nagdulot ng grabeng pagbaha.

Ngayong rumaragasa ang baha, kinatatakutan ang pagdami ng kaso ng leptospirosis. Nakukuha sa baha na kontaminado ng ihi ng daga ang mikrob­yong leptospira na nagdadala ng leptospirosis. Ayon sa Department of Health (DOH), delikado ang sakit na ito na maaaring ikamatay kapag hindi naagapan o nadala sa doktor.

Sa kabila naman na delikadong magbabad sa tubig-baha, kapansin-pansin ang maraming bata na naliligo sa baha. Noong Miyerkules, walang takot ang mga bata na lumublob sa bahang kalye sa Santo Domingo, Quezon City. May mga sumisisid pa sa baha habang may nakalutang na basura. Hindi sila pinagbabawalan ng kanilang mga magulang. Walang pakialam ang mga magulang kung ang pinag­lulunuyan ng kanilang mga anak ay kontaminado ng ihi ng daga. Kapag may sugat sa paa o binti ang bata, doon papasok ang mikrobyo.

Noong Huwebes, maraming residente sa Malate, Maynila ang nakapila para mabakunahan. Ang naka­katakot, nakababad ang kanilang mga paa at binti sa baha. Posibleng makakuha sila ng leptospirosis doon.

Ang mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, nahihirapang umihi, naninilaw ang balat at namumula ang mga mata. Lumalabas ang sintomas makaraan ang pitong araw.

Ang paglilinis sa kapaligiran ang susi para malipol ang daga na naghahatid ng leptospirosis. Kung malinis at nasa ayos ang pagtatapon ng basura, walang mabubuhay na daga. Magsuot ng proteksiyon sa paa kung lulusong sa baha. Pagbawalan ng mga magulang ang mga anak na maligo sa baha.

Sa kasalukuyan, todo-ingat ang mga tao sa COVID, dapat ganito rin ang gawing pag-iingat sa leptospirosis. Gawin ang lahat para makaiwas sa baha na kontaminado ng ihi ng daga.

FLOOD LEPTOSPIROSIS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with