Time out muna?

ILANG siyudad sa NCR ang hininto na muna sa pagbi­bigay ng unang bakuna dahil nauubos na ang kanilang suplay at kailangan pang bigyan ng pangalawang bakuna ang mga nakatanggap na. Sa madaling salita, hindi pa sila nabibigyan ng suplay ng National Task Force against COVID-19 (NTF). Humingi ng pag-unawa ang NTF sa mga hindi masyadong mabigyan ng suplay ng bakuna dahil kulang na kulang ang kabuuang suplay para sa buong bansa. Bagama’t natutuwa ang NTF na mas marami na ang nais magpabakuna, ang suplay naman ang nagiging problema.

Pero nananalig ang paniwala ni vaccine czar Carlito­ Galvez Jr. na 70 milyong tao ang makakatanggap ng unang bakuna sa Nobyembre. Kaya bumalik muli tayo sa datos. Ayon sa ourworldindata.org/covid-vaccinations, 9.05 milyong tao ang nakatanggap ng unang bakuna noong Hulyo 6. Apat na buwan na lang bago mag Nob­yembre. Kung gan­yang may problema sa suplay, hindi ko alam kung maaabot ang target ni Galvez maliban na lang kung magdatingan na ang sinasabing milyun-milyong doses ng iba’t ibang bakuna.  

Sa worldometers.info/coronavirus/, umakyat na naman tayo ng ranggo sa listahan ng mga bansa. Nasa number 23 na tayo. Noong unang nadiskubre ko ang website na ito ay nasa number 32 pa tayo. Nasa 4 hanggang 6,000 positi­bong kaso araw-araw ang naitatala pa hanggang ngayon, sa kabila ng pahayag na bumabagal na raw ang pagkalat sa Metro Manila. Ang mga probinsiya nga ngayon ang tinatamaan ng pagkalat ng COVID dahil mas konti umano ang natatanggap nilang bakuna mula sa gobyerno.

Nagsabi naman si Galvez na kung hindi makukuha ang target na 70 percent sa Nobyembre at umabot sa 40 percent, pasok pa rin daw tayo sa target ng WHO. Ang suma ng lahat na ito ay makatanggap ng isang bakuna ang mas maraming tao sa mas mabilis na panahon. Ruma­ragasa ang Delta variant sa ibang bansa tulad sa US kaya ito ang binabantayan ngayon ng DOH. Hindi ito dapat mabigyan ng pagkakataong kumalat sa ating bansa.

Show comments