_ngayon
^

Benepisyo ng ehersisyo; Tips sa may fatty liver

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - June 17, 2021 - 12:00am

Gusto n’yo bang mabuhay nang mahaba o matagal? Siyempre, gusto natin! Kung ganoon, dapat na tayong gumalaw-galaw o mag-ehersiyo. Kapag lagi tayong nag-eeher­sisyo, gaganda ang lagay ng ating puso, baga, utak, bituka, buto, kalamnan at buong katawan.

Naglabas ng guidelines sa ehersisyo ang ilang grupo ng eksperto sa kalusugan, kabilang na ang Department of Health, World Health Organization, at UP-College of Human Kinetics.

Ayon sa payo mula sa Philippine National Guidelines on Physical Activity, heto ang mga dapat sundin para maging ligtas habang nag-eehersisyo:

1. Una sa lahat, bago mag-umpisa ng matinding pag-eehersisyo, kailangan muna kumunsulta sa isang doktor para malaman ang lagay ng iyong kalusugan. Sa mga senior citizens at sa mga may sakit, itanong muna sa iyong doktor kung anong klaseng ehersisyo ang babagay.

2. Mag-umpisa ng dahan-dahan sa pag-eehersisyo. Halimbawa, maglakad muna ng 15 hanggang 30 minutos at unti-unting itaas ang antas nito. Kapag ika’y hiningal, magpahinga na muna.

3. Ang tamang pag-eehersisyo ay ginagawa ng 3 o 5 beses sa isang linggo lamang. Bigyan din ng sapat na pahinga ang iyong katawan para maghilom at lumakas ito.

4. Sa iyong pag-eehersisyo, kapag ika’y nahilo, nasuka, nahapo o sumakit ang dibdib, itigil na ang ehersisyo at magpahinga. Magpatingin sa doktor kung kinakailangan.

5. Malalaman mo na sobra ang iyong pag-eehersisyo kung masakit na ang iyong kalamnan at kasu-kasuan. Kapag matindi rin ang iyong hingal ay dapat na ring tumigil.

6. Uminom ng sapat na tubig bago at habang nag-eehersisyo. Uminom ng isang basong tubig bawat 30 minutos ng pag-eehersisyo. Ganito karaming tubig ang nawa­wala sa katawan natin kapag tayo’y pinagpapawisan.

7. Magsuot ng tamang kasuotan habang nag-eehersisyo. Magsuot ng jacket kung maginaw, o mag-shorts naman kung mainit. Siguraduhing malambot at matibay ang iyong sapatos, tulad ng rubber shoes o walking shoes.

8. Pumili ng ligtas na lugar habang nag-eehersisyo. Mag-ingat na hindi madapa o maaksidente habang nagpapapawis.

9. Pagkatapos mag-ehersisyo ay hayaang makapahinga ang iyong katawan. Magbihis ng damit at uminom ng tubig. May tulong din ang pagkain ng saging at prutas na may taglay ng potassium na kailangan ng katawan. Tandaan, malaki ang tulong sa ating kalusugan ng tamang pag-eehersisyo.

* * *

Mahalagang tip sa may fatty liver

MARAMING may fatty liver na resulta base sa ultrasound.

Ang fatty liver ay taba na naimbak sa selula ng atay at kadalasan ay nakikita sa mga edad 40’s at 50’s.

Kadalasan, wala itong sintomas pero sa ibang pasyente ay lumalaki ang atay, makirot sa kanang bahagi ng tiyan at madaling mapagod.

Ayon sa mga eksperto, maaaring may kaugnayan ang fatty liver sa pagiging mataba, mataas na asukal sa dugo o diabetes, mataas ang triglyceride at kolesterol.

Ang iba pang risk factor ay PCOS o polycystic ovary syndrome, hypothyroid at iba pang sakit.

Narito ang tips sa may fatty liver:

1.Kumain ng mga dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas kada araw.

2.Puwedeng kumain ng mais, patatas, kamote, ube at kamoteng kahoy.

3.Magbawas sa kaning puti.

4.Mabuti ang protina galing sa isda, mongo beans, karne, manok na walang taba, low fat milk, yogurt at soya milk.

5.Piliin ang healthy fats tulad ng mani, kasoy, garbanzos at olive oil.

6.Umiwas sa butter o krema, mayonnaise at sebo.

7.Panatilihin ang tamang timbang.

8. Regular na mag-ehersisyo.

9.Tubig ang pinakamagandang inumin.

10.Umiwas sa matatamis na inumin.

WHO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with