EDITORYAL — Layunin ng NCAP
NOONG nakaraang Hulyo 9, ibinasura ng Supreme Court ang mga petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila. Kasabay nito, inalis din ang temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad nito sa ilang lungsod.
Pero mahalagang linawin: hindi sinabi ng SC na perpekto, o hindi na puwedeng kuwestiyunin ang NCAP. Ang sinabi nito, napalitan na ng bagong Metro Manila Traffic Code of 2023 ang dating magkakaibang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.
Hindi masama ang NCAP kung ang layunin ay disiplina at patas na pagpapatupad ng batas-trapiko. Sa kalsada ng Metro Manila, kung saan araw-araw ang traffic, singitan, beating the red light, illegal parking, at kung minsan ay kotong, makatutulong ang camera at teknolohiya para gawing mas consistent ang traffic enforcement. Hindi na kailangang makipagtalo sa enforcer sa gitna ng kalsada. Hindi na rin dapat magkaroon ng aregluhan.
Pero hindi sapat ang teknolohiya kung walang patas na proseso. Ang camera ay puwedeng makatulong sa disiplina, pero hindi ito dapat maging makina na basta na lang naglalabas ng multa
Dito nagsimula ang reklamo noon ng maraming motorista. May mga nahuli raw na hindi agad nakatanggap ng notice. May mga multa na lumobo bago pa malaman ng may-ari ng sasakyan. May tanong din kung bakit ang registered owner agad ang pinapanagot kahit maaaring ibang tao ang nagmamaneho.
Kung ibabalik at palalawakin ang NCAP, dapat hindi na maulit ang ganitong kalituhan. Dapat malinaw kung paano malalaman ng motorista ang violation, gaano kabilis ipapadala ang notice, paano mag-aapela, saan magrereklamo, at gaano katagal bago maresolba ang kaso.
Dapat ding pare-pareho ang multa at patakaran sa buong Metro Manila. Hindi puwedeng iba-iba ang sistema ng bawat lungsod.
Hindi masama ang disiplina sa kalsada. Sa totoo lang, kailangan ito. Pero ang disiplina ay hindi dapat hiwalay sa due process. Ang batas-trapiko ay hindi dapat maging bitag sa motorista. At ang modernong enforcement ay hindi dapat maging modernong pangongotong.
Kung seryoso ang MMDA at mga LGU na gawing maayos ang NCAP, unahin nila ang transparency, malinaw na signage, mabilis na notice, patas na apela, data privacy, at makatarungang multa.
Dahil ang tunay na layunin ng NCAP ay hindi dapat paramihin ang mahuhuli. Ang layunin nito ay gawing mas ligtas, mas maayos, at mas patas ang kalsada para sa lahat.
- Latest















