^

PSN Opinyon

Pagbabakuna ang tanging paraan

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Dahil sa tagumpay ng mga community pantry, ipinagbawal ng DILG ang paglagay ng mga poster o tarpaulin ng mga pangalan o larawan ng mga pulitiko para hindi mapakinabangan. Alam nang lahat kung gaano karaming pulitiko ang gustung-gustong makita ang kanilang mga pangalan at mukha na nakakalat sa buong lungsod lalo na sa mga proyekto na nagpapabuti umano sa buhay ng mamamayan. Pagkakataon ng pulitiko ang sumakay sa popularidad ng community pantry lalo sa Maginhawa St., Quezon City.

Pero bakit walang imik o pahayag ang DILG sa pagbibigay ng libreng Ivermectin ng dalawang mambabatas na kilalang kaalyado ng administrasyon? Ang buong ideya ng pagbibigay ng gamot na wala pang matibay na ebidensiya laban sa COVID-19 lalo na ng pulitiko ay katawa-tawa. Alam natin kung sino ang mga mambabatas na ito, hindi ba? Ngayon nagbibigay sila ng libreng gamot?

Ang Philippine Medical Association (PMA) ay may paalala sa mga doktor na “huwag magbigay ng Ivermectin bilang paggamot na COVID-19 sa labas ng mga ospital na binigyan ng compassionate use ng Food and Drug Administration.” Ang limang ospital na ito ay hindi  pinapangalanan. Inilahad din ng FDA na “na ang paggawa at pagdispensa ng mga hindi nakarehistrong gamot ay kakasuhan.”

Kaya ano ngayon, FDA? Puro anunsyo at babala ngu­nit walang sapat na aksyon tulad ng isyu ng mga bakuna ng PSG?

May mga balita na ang ipinakikitang reseta ng mga tumatanggap nang libreng Ivermectin ay walang kina­ukulang impormasyon tulad ng pangalan ng doktor, lisensya at kung saan may clinic. Mga papel na may nakasulat lang pero ganun pa man binigyan pa rin sila. Pinapirmahan pa ng waiver ang mga tumanggap. Siguro para wala silang pananagutan kung magkaroon ng side effects.

Nagpahayag ang DOJ na ang buong bagay na ito ay “malinaw na paglabag sa batas” pero ganundin, walang aksyon. Siguro kung mga mambabatas na kilalang oposisyon ang nagbigay ng gamot inaresto na sila.

Sa ngayon, wala pang himalang gamot kontra sa COVID-19. Kung may naging mabisa sa isa ay hindi ibig sabihin ay mabisa na sa lahat. Kaya nga may clinical trials na dapat gawin bago maglabas ng resultang suportado ng agham.

Walang argumento na nais nating lahat na bumalik sa ating normal na buhay pero ang pagbabakuna ng populasyon ang tanging paraan upang matigil ang pagkalat ng COVID-19. Ito ang dapat makamit ng gobyerno sa pinakamabilis na oras lalo na’t may mga hindi nagtitiwala sa bakuna. Ngayong nabakunahan na si President Duterte, sana magbago na ang isip ng mga iyan.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with