Pambu-bully, pambobola ng komunistang Beijing
Nagsisisi na ang malalaking bansa. Maraming dekada sila nagbulag-bulagan sa totoong pakay ng Chinese Communist Party. Pinaniwalaan ng Kanluran ang propaganda na nais lang ng CCP ng mapayapang pag-unlad. Hinayaan nila ang pagnanakaw ng Chinese state firms ng teknolohiya, kaalaman sa gamot, at saliksik sa mga pamantasan ng Kanluran. Nagkibit-balikat lang sila nang bilhin ng mga kumpanyang komunista ang siyam sa sasampung nagpo-proseso ng rare earth metals sa mundo. Kinontrata pa nila ang mga kumpanyang ‘yon para sa riles, pantalan, airports, at telecoms. Ngayon ay nag-eespiya sa Kanluran ang mga kumpanyang ‘yon. Nakalamang na ang China sa teknolohiya at medisina. Kapos na sa rare metals ang Kanluran.
Isa pang ipinagsisisi ng Kanluran ang paglakas ng militar ng CCP. Binale-wala nila na private army ng komunista ang People’s Liberation Army na nasa ilalim ng CCP-Central Military Commission. Huli na nang mabatid ng America, Britain, France, Germany, at Canada na ilegal ang pag-angkin ng Beijing ng mga dagat at bahura. Kesyo mga maliliit na bato lang daw ang Senkaku Isles ng Japan; Paracel Islands ng Vietnam; Second Thomas Shoal ng Malaysia; at Scarborough, Fiery Cross, Subi, Mischief, Hughes, Johnson South, Gaven, at Cuarteron Reefs ng Pilipinas. Ngayon island-fortresses na ng Bejing ang pito sa walong bahura ng Pilipinas; at hindi na mapaalis sa East at South China Seas ang mga barkong pandigma ng PLA-Navy.
Dalawa ang matinding sandata ng CCP ayon kina dating chairman Mao Zedong at kasalukuyang Xi Jinping. Ito ang militar at propaganda. Sinusuportahan ng PLA-Navy ang pagnanakaw ng isda at minerals sa South China Sea, Pacific, at Atlantic Oceans. Samantala nambobola ang mga embassies ng Beijing na tumutulong lang sila sa mga ibang bansa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest