_ngayon
^
EDITORYAL - âPork barrel queenâ

EDITORYAL - ‘Pork barrel queen’

(Pilipino Star Ngayon) - February 7, 2021 - 12:00am

Sa wakas, hinatulan din ang “pork barrel queen” na si Janet Lim Napoles dahil sa pagnanakaw ng pondo ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel fund. Guilty ang hatol sa kanya ng Sandiganbayan first division. Bukod sa negos-yanteng si Napoles, hinatulan din si dating Cagayan De Oro representative Constantino Jaraula at mga empleyado na sina Maria Rosalinda Lacsamana, Belinda Concepcion at Mylene Encarnacion. Sa 103 pahinang desisyon, sinampahan sina Napoles at mga kasama ng tig-tatlong bilang ng graft at malversation.

Dahil dito, hinatulan sila ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong dahil sa paglabag sa anti-graft and corrupt practices act samantalang 12 hanggang 18 taong pagkakakulong naman para sa malversation. Inatasan din sina Napoles at mga akusado na ibalik sa pamahalaan ang P56 na milyong ninakaw nilang pondo.

Bukod naman sa graft at malversation na isinampa kay Jaraula, napatunayan din siyang guilty sa tatlong counts ng direct bribery na may parusang apat hanggang siyam na taong pagkakakulong.

Una nang hinatulang guilty si Napoles noong Disyembre 2018 dahil sa plunder sa pork barrel scam  na nagkakahalaga ng P10 bilyon na minaniubra niya noong 2013 dahil sa paggamit ng pekeng nongovern­ment organizations (NGOs). Nabulgar ang raket ni Napoles dahil sa pinsan niyang si Ben- hur Luy. Nadawit sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa pork barrel scam at inakusahan ng Office of the Ombudsman ng plunder at graft at pawang nakulong pero nakalaya rin.

Ngayong napatunayang guilty at nahatulan ng Sandiganbayan si Napoles at iba pa, mayroon pa ring mga katanungan na naiiwan. Nasaan na ang iba pang akusado o kasabwat niya sa pagnanakaw ng pondo. Nasaan na rin ang kapatid niyang si Reynald Lim na umano’y nakinabang din sa pondo? Hindi na ito matagpuan.

Malaking pera ang napasakamay ni Napoles at sana ang kautusan ng Sandiganbayan na maibalik sa pamahalaan ang kanyang mga nakulimbat ay magkaroon ng katuparan. Ngayong nangangaila-ngan ng pera ang bansa dahil sa pandemya, kailangan mapasakamay ng pamahalaan ang ninakaw ng “pork barrel queen’’.

PDAF
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with