^

Quarantine mas maluwagm na sa Metro Manila sa Marso

AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - February 3, 2021 - 12:00am

Kung ibabase sa mga datos na nakakalap ng National Economic and Development Authority (NEDA) malaki ang posibilidad na magkakaroon tayo ng mas maluwag na quarantine rules sa susunod na buwan. Ito ay kung patuloy na tatalima ang mamamayan sa mga ipinatutupad na health protocols at masisimulan na ang mass vaccination. Iyan ang pahayag ni Karl Chua na acting director-general ng NEDA.

Ibig sabihin, ang ikabubuti o ikasasama ng pandemic situation ay nakasalalay pa rin sa kooperasyon ng mama­ma­yan. Natural lamang na ganyan ang hopeful prognosis ng NEDA na ang pangunahing iniintindi ay ang pag­bangon ng ating ekonomiya na iginupo ng COVID-19 pandemic.

Kung mananatili nga naman ang limitadong paggalaw ng mga negosyo, tayong mga mamamayan ang unang magdurusa sa kawalan ng trabaho at pagkaudlot ng edu­kasyon na napakahalaga sa kaunlaran ng alin mang bansa.

Kung makapagsisimula na ang mass vaccination sa buwang ito, malamang na marating natin ang inaasahang pagluluwag ng quarantine rules para makapag-full blast ang takbo ng mga negosyo.

Ang target ng pamahalaan ay makabili ng tinatayang 148 milyong doses ng bakuna para mabakunahan ang may 70 milyong Pilipino. Ang pitumpung porsyento ng mama­mayan ay malaking bagay para tuluyan nang matuldukan ang pandemya sa ating bansa.

Gayunman, nakasalalay pa rin iyan sa bisa o efficacy­ ng mga bakuna na dapat pang mapatunayan dahil nga­yon pa lamang natin gagamitin at wala pang siyento por­syen­tong kasiguruhan ang bisa. Idalangin natin sa Diyos na harinawang ito na ang katugunan sa kinakaharap nating krisis.

NEDA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with