Ang komprehensibong COVID-19 vaccination plan ng Makati

Handa na kaming dalhin ang laban kontra COVID-19 sa susunod na lebel. Matapos ang masusing pagpaplano at maraming konsultasyon, na finalize na ang mga detalye para sa komprehensibong plano para sa COVID-19 vacci­nation ng Makati.

Para sa kaalaman ng lahat, mayroon na tayong naire­serbang 1 million doses ng bakuna mula sa AstraZeneca. Ito ay ligtas, sigurado, at mayroong approval ng FDA, kaya naman walang dapat ipangamba ang ating mga mahal na #ProudMakatizen tungkol sa pagpapabakuna.

Bukod sa ating mga residente at empleyado ng lokal na pamahalaan, kasama rin sa programa ang mga emple­yado ng mga negosyo sa Makati.

Sapat na ang P1 bilyong pondo ng lungsod na pambili­ ng bakuna, kasama na ang bakunang matatanggap mula sa national government, para makasali ang mga negosyo sa lungsod, mula sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) hanggang sa malalaking kumpanya.

Ginagawa natin ito dahil sa napakahalagang papel ng ating tinatawag na “economic frontliners” sa pagsulong ng ekonomiya at mga negosyo — hindi lamang para sa Makati kundi para sa buong bansa. Bilang sentro ng negosyo, nandito sa Makati ang mga kritikal na industriya, at nais naming siguruhin ang kaligtasan at kalusugan ng kani­lang mga empleyado.

Ang bilang ng mga kawaning idineklara ng mga negosyo sa kanilang business permit applications ang magiging batayan para sa mga bibigyan ng libreng bakuna. Kailangan ding may 2021 business permit at updated ang kanilang tax payments upang mapasali sa programa, pati na ang nagbabayad sa pamamagitan ng installment.

Inaasahang darating ngayong Pebrero ang unang batch ng COVID-19 vaccines na binili ng pambansang pamahalaan. Sa third quarter ng taon naman inaasahang makukumpleto ang delivery ng ating inorder na isang milyong doses ng bakuna mula sa AstraZeneca.

Bibigyang prayoridad natin ang mga frontliner tulad ng healthcare workers, uniformed personnel, government employees, at barangay health emergency response teams (BHERT) para sa Phase 1 ng pagbabakuna. Isusunod naman ang mga senior citizen persons with disabilities (PWD), indigent population, essential workers, at lahat ng may edad 18 pataas.

Sa puntong ito, nais kong hingin ang suporta at kooperasyon ng ating mga Makatizen para sa programang ito. Misyon natin ang 100% vaccination para sa lungsod ng Makati, kaya’t hiling kong pakinggan ninyong mabuti ang aming mga paliwanag tungkol sa benepisyo at mga hakbang na kailangang gawin para sa pagpapabakuna.

Ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ang pinakamainam na paraan para protektahan ang ating mga sarili laban sa virus. Higit sa lahat, ang isang taong may bakuna ay hindi na makakahawa pa ng iba. Malaya na nating makakasalamuha ang ating mga mahal sa buhay nang walang takot o pangamba na maaari natin silang mahawa ng COVID-19.

Ito rin ang ang hudyat ng tunay at tuloy-tuloy na pagbangon ng lahat mula sa pandemya.

Show comments