Taga-Cavite, tangkilikin ang lotto ‘wag ang jueteng!

NAGKAROON na naman ng panibagong milyonaryo sa Pinas­ nang ang taga-Cavite ang makabingwit ng P20 milyon jackpot sa lotto draw nitong Sabado. Sinabi ni Phi­lippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Ma­nager Royina Garma na may kabuuang P20,130,966.60 ang maiuuwi ng lucky winner na nahulaan ang winning combination na 05-02-12-26-28-04.

Ayon kay Garma ang tiket ay nabili ng lucky winner sa PCSO branch sa Dasmariñas, Cavite. Para makubra ang kanyang napanalunan, ang gagawin lang ng lucky winner ay magsadya sa PCSO main office sa Shaw Blvd., sa Man­­daluyong City. Magdala lang ng dalawang valid ID at pati ang winning ticket at presto.... mapasakamay na niya ang kanyang milyones.

Kaya inuulit ni Garma ang kanyang panawagan sa mga Pinoy na tangkilikin ang lotto at iba pang gaming pro­ducts ng PCSO kung gusto n’yong maging milyonaryo. Dipugaaaaa!

Kung sabagay, dapat suportahan ng taga-Cavite ang panawagan ni Garma na tumaya sa lotto dahil may tsansa kayong maging milyonaryo ‘di tulad sa jueteng ni John Yap at ang management niyang si Jun Alvaran alyas Jun Moriones na dinadaya lang kayo.

Sa totoo lang, P20 lang ang taya sa lotto subalit ang premyo­ ay milyones samantalang sa ganoong halaga din na itaya mo sa jueteng ay kapiranggot lang ang mapanalunan­ mo. May malaking tsansa pa na magoyo ka dahil dinadaya ang bola sa jueteng nina Yap at Alvaran para may pampadulas sila sa mga pulitiko at pulis, ‘di ba kosang Rico Posadas Sir?

Hindi naman puwedeng sa bulsa ni Yap manggaling ang lingguhang intelihensiya nila sa PNP at pulitiko dahil t’yak malulugi s’ya. Hehehe! May bangka na ba ng jueteng kayong nabalitaan na natalo mga kosa? Eh di wala! Dipugaaaaa!

Ang maganda pa, kapag sa lotto ka tumaya medyo kampante ka dahil maya’t maya ay dini-disinsfect ang mga lotto outlets at mahigpit ang kautusan ni Garma na sumunod sa health protocols ng gobyerno ni President Digong. At kapag wala kang suot na face mask at face shield at walang social distancing, aba hindi tatanggapin ang taya mo.

Di tulad sa jueteng nina Yap at Alvaran na nasa kalye ang kubrador at malaki ang tsansa na dapuan ka ng COVID-19. Hindi lang ‘yan! Sa lotto, makakatulong ka pa sa mga Pinoy na may sakit dahil sa charity programs ng PCSO subalit sa jueteng, aba ang bulsa at tiyan nina Yap at Alvaran ang binubundat n’yo. Abangan!

Show comments