^

Halaga ng pagbibigay

SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - January 26, 2021 - 12:00am

NAPAKAGANDA ng kuwento ni actress Katharine Hep­burn­, 1907-2003:

“Nu’ng teenager pa ako pumila kami ng aking Ama para sa tickets sa circus. Sa wakas, isang pamilya na lang ang pagitan namin at ng takilya.

“Kapansin-pansin sa akin ang pamilya. Walo ang mga anak, lahat tila mas bata sa 12 ang edad. Sa pananamit nila halatang wala silang kaya. Pero malinis at plantsado ang mga suot.

“Maayos ang mga bata, dala-dalawa sa pila, magkakapit­kamay. Sabik na sabik nag-uusap ang mga bata sa papanooring clowns, hayop, at palabas. Halatang hindi pa sila nakakapanood ng circus. Kaya isa ito sa rurok ng kani­lang buhay.

“Sa unahan nila ang mga magulang, magkakapit­kamay din. Nakadantay ang ulo ng nanay sa balikat ng asawa. Nakangiti ang tatay sa nararamdamang saya ng kanyang pamilya.

“Tinanong ng takilyera kung ilang tiket. Malugod sinabi ng tatay na walong pambata at dalawang matanda para sa buong pamilya. Nang isagot ng takilyera ang presyo, napatungo ang nanay. Nanginig ang labi ng tatay. Kulang ang pambili nila. Paano niya sasabihin sa masasayang bata na hindi pala sila makakapanood. ‘Magkano po uli?’ bulong niya.

“Narinig namin ang presyo. Binunot ng ama ko ang $20 sa bulsa at nilaglag sa sahig. Tapos tinapik niya ang tatay at sinabing nahulog ito mula sa bag ng misis niya. Pinahiran niya ang patak ng luha.

“Naintindihan niya si Ama. Hindi siya nanlilimos pero.... Tinitigan niya si Ama, hinawakan ang dalawang kamay, at nagsabi, ‘Maraming maraming salamat po, Sir. Napakalaking bagay po nito sa akin.’

“Bumalik kami ni Ama sa kotse at umuwi. Ang $20 na pinamigay niya ay pampanood sana namin ng circus. Pero maski hindi kami nakapanood, nakaramdam kami ng kakaibang ligaya ng higit sa circus.

“Nu’ng araw na ‘yon natutunan ko ang halaga ng pagbibigay.”

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

PAMILYA
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with