^

Ni-rape ng tindero

IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 5, 2020 - 12:00am

Ang kasong ito ay tungkol kay Rhea, 13-anyos at pangwalo sa 14 na magkakapatid na anak ng mag-asawang naninirahan sa isang isla sa probinsiya. Pinanganak na pipi at bingi si Rhea. Kahit na tinedyer na siya ay hindi niya kayang makipag-usap sa iba maliban sa mga senyas.

Medyo mahina ang ulo ni Rhea at ang pag-iisip niya ay sa isang pitong taong gulang na bata lang. Kadalasan ay nakikipaglaro siya sa maliliit na bata at mahilig mag­hubad habang naliligo. Kinailangan niyang huminto sa pag-aaral dahil madalas siyang mapaaway sa mga kaklase. Kaya hindi na siya pinapayagan na lumabas ng bahay na mag-isa.

Isang hapon, nakapuslit si Rhea at nakalabas ng bahay na hindi napapansin ng mga kapamilya. Pumunta siya sa sinehan upang manood ng sine. Kabilang sa mga nanood ng sine, sina Yuan at Jeralt.

Nang magtungo sa comfort room si Yuan para umihi nakarinig siya nang mahinang ungol mula sa katabing CR ng mga babae. Tumuntong sa inidoro si Yuan at sinilip ang katabing CR. Nakita niya si Rhea na nakasandal sa dingding at pinagpaparausan ni Jeralt. Nang makita ni Yuan ang ginagawa ni Jeralt kay Rhea, agad siyang umalis at nagsumbong sa may-ari ng sinehan na si Jodi. Pero sinaway siya ni Jodi at sinabing huwag makialam. Hindi natinag si Yuan. Matiyaga niyang hinintay si Rhea na lumabas ng sinehan at sinundan hanggang makauwi sa bahay. Pagkatapos ay kinausap niya ang mga magulang nito para ipaalam ang nangyari.

Sinamahan pa niya ang tatay ni Rhea na si Julius na magsampa ng reklamo sa mga pulis at tuloy hanapin si Jeralt sa palengke kung saan tindero ang lalaki. Inaresto si Jeralt at dinala sa presinto. Pagkatapos ng kaukulang imbes­tigasyon at pagsuri sa biktima, sinampahan si Jeralt ng kasong rape sa korte. Matapos ang arraignment kung saan itinanggi ni Jeralt ang akusasyon laban sa kanya, nagdesisyon ang korte at hinatulan ito sa kasong rape. Ayon sa korte, kahit hindi napatunayan ng prosekusyon na gumamit ng dahas si Jeralt para mapagtagumpayan na makuha ang pagkababae ni Rhea, rape pa rin ang nangyari dahil ang biktima ay pipi’t bingi at wala sa tamang pag-iisip. Hindi matatawag na pumayag ang biktima sa nangyari.

Kinatigan ng Supreme Court ang desisyon ng mababang hukuman. Ayon sa SC, dahil sa pisikal at mental na kalagayan ni Rhea, hindi masasabing nasa tamang wisyo siya nang pumayag na may mangyari sa kanila ni Jeralt. Paano makakatanggi ang isang pipi’t bingi na trese anyos na dalagita sa isang lalaking may taas na 5’8 na tulad ni Jeralt.

Isang taong nasa tamang pag-iisip lang ang tatanggi at makapag-iisip ng kahihinatnan ng ginawa nilang pagtatalik sa loob ng isang pampublikong palikuran kaya hindi masasabing nagkaroon ng intelihenteng desisyon sa nangyari ang biktima. Wala siyang kamalay-malay sa moral na epekto at sa sasabihin ng publiko sa nangyari dahil kahit nga ang paliligo sa ilog ng nakahubad at pagtalon sa tulay ay hindi man lang niya naiisip.

Imposible rin ang palusot ni Jeralt na si Rhea pa ang nang-akit at nagyaya sa kanya na makipagtalik sa palikuran ng mga lalaki. Sa katunayan nga, doon sila nahuli sa CR ng babae. Ibig sabihin, siya ang pumasok doon at nagtangka ng masama sa biktima (People vs. Burgos, G.R. L-40494, July 30, 1982).

BATAS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with