^

Palpak angbirth certificate

IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 1, 2020 - 12:00am

Lahat ng korte ay may kapangyarihan para gawin ang kinakailangan upang maayos na ipatupad ang hustisya sa nasasakupan nito. Kaya ang mga insidenteng may kinalaman sa mismong asunto ay dapat nitong bigyan ng aksyon. Ano ba ang kaya at hindi kayang gawin ng korte? Ito ang prinsipyong tatalakayin sa kaso ni Armando.

Si Armando ay ipinanganak sa Cordillera (Mountain Province) at nakarehistro ang birth certificate niya sa local civil registrar doon pero sangkatutak na mali ang laman. Ang nakasulat niyang pangalan ay “Amanda” at hindi Armando, ang kasarian niya ay “babae” at hindi “lalaki”, pati apelyido ng tatay niya ay ginawang “Veldaz” imbes na “Valdez”. Lumalabas din na may nakarehistro siyang isang birth certificate sa Central Luzon na walang mali sa mga detalye, ang pangalan ay “Armando”, lalaki ang kasarian at ang apelyido ng tatay ay Valdez.

Sa kanyang mga opisyal na transaksyon ay ginagamit ni Armando ang birth certificate mula sa Central Luzon pero nang humingi siya ng pinatotoong kopya o authenticated copy mula sa NSO (National Statistics Office) ay ang maling birth certificate ang inilabas sa kanya.

Kaya napilitang magsampa ng petisyon sa RTC ng Cordillera si Armando para itama ang maling detalye sa kanyang birth certificate sabay hiningi na rin niya na kanselahin na ang isa pa niyang birth certificate na rehistrado sa Central Luzon.

Kontra ang OSG (Office of the Solicitor General) sa petisyon ni Armando. Hiningi ng OSG na ibasura ang petisyon dahil wala raw kapangyarihan ang RTC ng Cordillera na utusan ang civil registrar ng Central Luzon na kanselahin ang pangalawang birth certificate ni Armando.

Pero ipinag-utos ng RTC sa Mountain Province na itama ng Civil Registrar General ng NSO pati ng lokal na civil registrar ang maling detalye sa birth certificate ni Armando. Ipinag-utos din ng RTC na kanselahin ng civil registrar ng Central Luzon ang record ng birth certificate ni Armando doon. Parehas ang naging hatol ng Court of Appeals.

Ayon sa CA ay may kapangyarihan ang RTC ng Mountain Province sa petisyon na itama ang detalye ng birth certificate ni Armando pati na rin ang ipag-utos na kanselahin ang birth certificate sa Central Luzon dahil insidente lang naman ito at magiging epekto ng aksyon para sa pagtatama ng laman ng orihinal niyang birth certificate.

Parehas ang naging hatol ng Supreme Court sa Court of Appeals. Ayon sa SC, sakop ng kapangyarihan ng RTC sa mismong asunto ang lahat ng insidenteng konektado nito o kaya ay damay sa kaso alinsunod sa tinatawag na “doctrine of ancillary jurisdiction”.

Dahil nga may kapangyarihan ang korte ng petisyon ni Armando na hinihingi ang pagtatama ng lahat ng maling detalye sa una niyang birth certificate sa munisipyo ng Mountain Province ay natural na sakop ng kapangyarihan nito ang pagkansela ng pangalawang birth certificate nito na rehistrado naman sa munisipyo ng Central Luzon. Insidente lang siyempre ang pagkansela ng pangalawang birth certificate kung itatama na ang lahat ng detalye ng unang birth certificate ni Armando.

Sakop ng kapangyarihan ng RTC ang lahat ng insidente, katanungan at bagay na may kinalaman sa mismong kaso basta’t makakatulong o talagang kailangan itong ikunsidera ng korte bago tuluyang makapaglabas ng desisyon kahit pa nga sabihin na hindi na ito sakop ng kapangyarihan nito.

Kahit pa nga inilabas na ang RA 9048 na bumago sa RA 10172, para sa proseso ng pagtatama ng mga entry sa civil registry, ang mga korte ay hindi tinanggalan ng kapangyarihan na pakinggan at hatulan ang mga petisyon sa pagtatama ng entries. Kahit pa nga ang hindi pagsunod sa tamang proseso o ang tinatawag na doctrine of exhaustion of administrative remedies ay hindi magkakaroon ng epekto sa kapangyarihan ng mga korte (Republic vs. Felix etc., G.R. L-203371, June 30, 2020).

MOUNTAIN PROVINCE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with