Velasco, bagong House Speaker
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - October 13, 2020 - 12:00am

SI Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na ang bagong House Speaker matapos siyang iboto ng 186 congressmen kahapon sa isang session na ginanap sa Celebrity Sports Complex sa Quezon City. Tinawag naman ng kampo ni Cayetano na illegal ang pagkakaupo ni Velasco.

Bago ang pangyayaring ito, marami ang nagsasabing walang palabra de honor si Cayetano sa term sharing agreement nila ni Velasco. Kasi magtatapos na ang 15 months ni Cayetano at ang nalalabing 17 months sa pag­ka-Speaker ay pangangasiwaan naman ni Velasco. Su­balit unti-unting nagbago ang ihip ng hangin at mistulang nagkapit-tuko si Cayetano sa puwesto kaya nadamay ang pagpasa ng 2021 national budget.

Ang masaklap nito, mukhang guguho ang magandang administrasyon ni President Rodrigo Duterte kapag hindi maipasa ang budget. Sa panahon ngayon na mas kaila­ngan ng bansa ang pondong aamyendahan ng kongreso sa panahon ng COVID-19 para matustusan ang panga­ngailangan ng pondo para sa Department of Health k­a­tulad na lamang sa pambili ng vaccine kontra COVID-19.

Ang Department of Agriculture ay nangangailangan din ng pondo upang matustusan ang pangangailangan ng ating mga magsasaka upang mapalaki ang produksyon ng palay at isda na mas kailangan ng ating mga gutom na mga kababayan.

Kaya ang panawagan ni Digong sa mga kongresista na itigil muna ang pulitika at ipasa ang 2021 budget. Mukhang alam na alam na ni Digong na kung bakit big­lang sinuspende ang budget hearing sa Kongreso ay dahil may halong pulitika na ito, preparasyon sa 2022 national election. Hehehe!

Kung sabagay mukhang may katwiran si Velasco na magsalita na tanging sina Cayetano at mga barkada sa kongreso ang makikinabang sa panukalang 2021 budget. Siyempre kapag nga naman manaig ang kagustuhan ni Cayetano na ‘di-bitawan ang pagka-Speaker tanging mga barkada lamang niya ang aani nang malalaking pondo na gagamitin din sa pagsulong ng kanilang kandidatura sa 2022 eleksyon.

Mabigat ang alegasyon ni Velasco kay Cayetano kasi nga, sa term sharing agreement pa lang ay sumira na ng palabra de honor kung kaya sa pagpamudmod naman ng budet tiyak na tanging mga kaalyado lamang ang makikinabang. Maging ang Senado ay nagalit kay Cayetano sa desisyon nitong pagsuspende sa deliberation ng budget hearing, ayon kay Senate President Tito Sotto hindi na nila kayang ipasa pa ang budget kapag naantala ang pagpasa ng Kongreso.

May nakapagbulong din sa akin na kaya naman ito inaantala ang 2021 national budget ay sa dahilang may isisingit na naman itong budget na kahina-hinala. Kasi nga naman kung gahol na sa oras ang mga senador tiyak na makakaligtaan na ito. Subalit sa kampo ni Senador Panfilo Lacson, mukhang dadaan sa butas ng karayom na naman ang pagbusisi nito sa mga budget katulad ng ginawa nito noon nakaraang 2020 national budget. Ang masaklap ang papasan ng budget na P4.5 trillon 2021 national budget ay ang taong bayan.

Ngayong may bago nang House Speaker, simulan na ng sesyon ng Kongreso at himay-himayin ang pagpasa ng 2021 budget nang mapabilis din ang pagtatraabaho ng senado rito. Harapin na ang budget na mas kailangan natin ngayon sa panahon ng COVID-19 at nang makaahon ang naghihikahos nating bansa.

LORD ALLAN VELASCO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with