Siguradong kakaiba
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - September 24, 2020 - 12:00am

Pumasok na tayo sa “Ber months”. Ngayon pa lang ay naririnig ko na ang kanta ni Jose Mari Chan. May naki­kita na akong mga nagbebenta ng parol. May mga ilaw na rin. Wala pa sigurong magtatayo ng Christmas tree pero malapit na rin siguro. May mga kaibigan nga akong nag­sa­sabi na dapat ngang magtayo na ng mga puno para maka­ramdam ng kasiyahan, bagay na kailangan nating lahat sa panahong ito.

Pero siguradong kakaiba ang pagdiriwang ng kapas­kuhan ngayong taon. Hindi pa nawawala ang COVID-19, at siguradong hindi mawawala sa katapusan ng taon. Hindi ko alam kung papayagan ng gobyerno ang mga mall na magpapasok nang maraming tao para mamili tulad ng mga nakaraang taon.

Mapipilitang bumili na lang online ang marami para sa kanilang mga reregaluhan, kung may pera nga na pambili. Hindi pa rin normal ang ekonomiya na siguradong hindi magbabago ngayong taon. Marami nga ang mahihirapang­ magsaya ngayong kapaskuhan dahil sa kanya-kanyang sit­wasyon. Nakakalungkot isipin.

Papayagan din ba ng gobyerno ang mga pamilya na magtipun-tipon sa bisperas ng Pasko? Sa ngayon ay bawal ang pagtitipon ng hihigit sa 10 tao. Isasara nga ang mga sementeryo sa undas para hindi magtipun-tipon ang maraming tao. Siguradong maraming pamilya ang hihigit sa 10 kapag nagsama na sa isang lugar. Walang may gusto na maghawahan lang kung sakaling may nagdadala ng COVID-19 na walang sintomas o hindi alam.

Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, nalampasan na raw natin ang krisis ng COVID-19. Hindi ko alam kung paano niya masasabi iyan kung libu-libo pa rin ang nagpopositibo araw-araw. At wala pa rin ang bakuna na sagot sa pandemyang ito. May kilalang kompanya nga na itinigil muna ang kanilang clinical trial nang may lumabas na «neurologic symptoms» sa isang binigyan ng nilikhang bakuna.

Hindi talaga madali lumikha ng bakuna para sa bagong sakit. Taon ang pinag-uusapan pero ayon sa Russia may bakuna na raw sila na handang subukan na umano sa Pilipinas. Handa na ba kayo?

CHRISTMAS JOSE MARI CHAN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with