EDITORYAL - Huwag buwagin ang PhilHealth

DAHIL sa mga nangyayaring katiwalian sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), pinagbabalakan umano ni President Duterte na buwagin o isapribado na ito. Ang balak na ito ng Presidente ay inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III makaraang makausap niya ito noong Miyerkules. Nakipag-meeting si Sotto sa Presidente kung saan napag-usapan nila ang Universal Health Care Act, PhilHealth Law at ang posibleng pag-amyenda sa Anti-Red Tape Law.

Balak na raw ng Presidente na i-abolished o isa­pribado ang insurance agency upang mapigil ang katiwalian pero iminungkahi raw ni Sotto na maghintay muna ng ilang buwan at tingnan kung may magagawa ang bagong PhilHealth chief na si Dante Gierran. Ipinaliwanag umano ni Sotto na ang PhilHealth ay insurance corporation at hindi Health entity.

Inilagay ng Presidente si Gierran, isang linggo ma­karaang magbitiw si dating PhilHealth chief Ricardo Morales. Si Gierran ay dating director ng National Bureau of Investigation (NBI). Nang tanggapin ni Gierran ang posisyon, humingi siya ng pang-unawa at bigyan daw ng pagkakataon ang PhilHealth na makabangon. Gagawin daw niya ang lahat para ma­ibalik ang pagtitiwala sa PhilHealth. Kahapon, nanumpa na sa puwesto si Gierran.

Talamak ang korapsiyon sa PhilHealth at ang mga sangkot ay matataas na opisyal nito. Inaprubahan na ng Presidente ang pagsasampa ng kasong graft kay Morales at anim na iba pang matataas na opisyales. Hindi naman kasama sa mga kinasuhan si Health Sec. Francisco Duque III sa kabila ng mga akusasyon na mayroon umano itong pananagutan sa malawakang korapsiyon.

Sumingaw ang korapsiyon sa PhilHealth nang ibulgar ng ilang tauhan nito ang “mafia” sa loob na minamaniubra ng mga matataas na opisyal. Kabi­lang sa mga alegasyon ay ang procurement ng over­priced IT equipment; kuwestiyunableng pag-re­lease ng pondo sa ilalim ng Interim Reimbursement Me­chanism (IRM); at ang manipulation ng financial status ng ahensiya.

Mas makabubuti kung hindi bubuwagin o kaya’y isapribado ang PhilHealth. Obserbahan muna kung may magagawa si Gierran para maibangon ang Phil­Health. Mukha namang desidido at mapagkakatiwalaan si Gierran. Tingnan natin kung paano irereporma ang PhilHealth para sa kapakanan ng mga miyembro.

Show comments