Pagsakal sa Mekong: maaring ihabla ang China
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - August 10, 2020 - 12:00am

Isang taon nang pinahihirapan ng China ang 60 mil­yong Southeast Asians. Sinakal ng 11 Chinese dams ang Mekong River. Natuyot ang irigasyon at inumin sa mga kapit-bansa, kung kailan may drought simula Hulyo 2019. Pinaka-ma­baba ngayon ang lebel ng ilog sa Laos sa anim na dekada. Sa Thailand bumagsak nang 30% ang ani ng palay, gulay, prutas, at fishponds. Nanlupaypay ang source ng protein ng Cambodians. Nawawasak ang Mekong Delta sa Vietnam dahil pumapasok ang tubig-dagat sa mga natuyuang lagusan ng ilog.

Pati mga bansang bumibili sa Mekong Region ay napepeligro. Parating kapos ang ani, umaangkat taun-taon ang Pilipinas ng tatlong tonelada ng bigas mula Thailand at Vietnam. Dahil sa kakulangan din ngayon sa mainland Southeast Asia, kailangang paspasan ng Pilipinas ang pagtatanim ng pampuno. Apektado ang bigas, starch, kape, isda, at prutas na kinukuha ng Singapore, Malaysia, Brunei, Indonesia, at West Pacific islands. Magmamahal ang pagkain; masisira ang kalusugan.

Sa kabila ng ebidensiya, ipinipilit ng China na drought lang ang problema. Binabalewala ang angal ng Mekong River Commission ng apat na bansa. Kasi umiiwas sa pagsara ng dams. Nang mag-testing ng isa lang sa 11 na hydroelectric plant, naging patak na lang ang Mekong sa Southeast Asia. Magtatayo ang China ng walo pang dams maski wala pa sa kalahati ng 4,800 kilometro ng Mekong ang dumaraan sa kanya.

Labag sa international law ang ginagawa ng China habang abala lahat sa paglaban sa pandemyang COVID-19. Merong UN Convention on the Law of the Non-Navigational Uses of International Watercourses. Tinuturing nito na para sa lahat ang tubig. Dapat ibahagi at protektahan ang surface at groundwater. Pinagbabayad ang bansang nakasira dahil sa pagsakal ng tubig sa dam, nandumi, o nagpasok na alien fish species.

Maaring ihabla ang China sa International Court of Justice. O kaya sa Permanent Court of Arbitration. O kaya sa UN General Assembly.

CHINA
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with