EDITORYAL – Panibagong paghihigpit

BALIK sa modified enhanced community qua­rantine (MECQ) ang Metro Manila ngayong araw na ito. Panibagong paghihigpit na naman ang ipatutupad para hindi na lumaganap pa nang todo ang COVID-19 na ngayon ay nasa 106,330 na ang kaso. Ang pagsasailalim sa MECQ ay dahil­ na rin sa pakiusap ng health frontliners para mag­karoon sila ng “timeout’’. Ang pagsasailalim sa MECQ ay inihayag noong Linggo ng gabi ni President Duterte. Tatagal ang MECQ hanggang Agosto 18. Bukod sa Metro Manila, nasa ilalim din ng MECQ ang Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.

Sa ilalim ng MECQ, bawal ang pagpasada ng mga pampasaherong bus, dyipni at maski ang Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) at iba pang public utility vehicle. Pinag-aaralan kung papayagang bumiyahe ang mga traysikel. Fifty percent lamang ng mga pagawaan o esta­blisimiento ang papayagang magbukas. Bawal din ang dine-in sa restaurants, barber shops, salons, gyms at internet cafes.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, mag-iisyu muli ng quarantine pass ang barangay sa mga residente. Isang tao lamang ang papayagang lumabas ng bahay para bumili ng mga pangunahing pangangaila­ngan. Magkakaroon din umano ng schedule ang pamimili para maiwasan ang pagdagsa ng tao sa palengke. Mahigpit umanong ipatutupad ang social distancing at ang pagsusuot ng face masks.

Ang paghihigpit na ito ay hindi na gaanong mahirap sa mamamayan sapagkat napagdaanan na ito sa nakalipas na apat na buwan. Sanay na ang mga tao rito. Ang kailangan lamang ay ang pagsunod ng iba pa na nananatiling pasaway kahit na mahigpit na ipinatutupad ang health protocol. Sana sa pagkakataong ito ay sumunod ang iba pa sa ipinag-uutos para makamit na ang minimithing pagbaba ng COVID cases. Huwag na sanang abutin pa ang prediksiyon ng UP experts na aabot pa sa sangkatutak ang dami ng COVID. Makipagtulungan sana ang lahat at sumunod sa utos para matapos na ang problemang ito. Tulungan ang pama­halaan sa dinaranas na ito.

Show comments