Sagutan na

Nagsimula na ang sagutan. Tinuro na ni Atty. Thorrsson­ Montes Keith, ang PhilHealth official na nagbitiw dahil sa umano’y malawakang korapsyon, si Ricardo Morales, PhilHealth President at CEO na bagong pinuno ng sindikato sa loob ng ahensiya. Pinahintulutan umano ni Morales ang ilegal na pagbabayad ng halagang P30 bilyon na nakalaan para sa mga ospital na may mga kaso ng COVID-19. May mga pinapaboran daw na ospital na isa lang daw ang pasyenteng positibo para sa COVID-19.

Pinangalanan na si PhilHealth Senior Vice President Renato Limsiaco Jr. at isang “dating presidente at CEO” ng PhilHealth na nasa likod ng “cash bonanza” para sa pinaborang ospital sa Visayas at Mindanao.

Hinamon naman ni Morales si Keith na maglabas ng ebidensiya, at handa siyang humarap sa anumang imbes­tigasyon. Maraming hawak na ebidensiya umano si Keith, kaya siguradong matutuloy ang imbestigasyon ng Senado.

Si Sen. Ping Lacson ay nagkalap na rin ng mga impor­masyon at ebidensiya para isiwalat ang mga nagaganap na anomalya sa PhilHealth. Kaya nakahanda na naman ang entablado para sa isang drama.

Kung tunay na maraming ebidensiyang hawak si Keith at may iba pang opisyal o tauhan ng PhilHealth ang puwedeng magsiwalat ng nagaganap na katiwalian, ito na ang kanilang pagkakataon. Tama na ang mga padaplis. Pangalanan na at ipakita ang ebidensiya.

Ilang beses nang nababalot sa kontrobersiya ang Phil­Health na sa panahon ngayon ay dapat maaasahan ng mga ospital dahil sa pandemya. Kung hindi nagagamit sa tama ang pondo ng ahensiya na pondo ng mamama­yan, kailangang malaman. Kung may sindikato, dapat buwagin. Kung may mga kumikita nang patago, mga nangu­ngumisyon sa bawat pagbayad sa mga ospital, isiwalat. At kailangan makulong na ang mga tiwali.

Wala pa ngang nakukulong na opisyal ng PhilHealth kahit ilang beses nang nabibintangang may korapsyon. Kailangan na rin tuparoin ang Universal Health Care Law kung saan malaki ang tungkulin ng PhilHealth. Kung ganitong inaanay ng korapsiyon ang ahensiya, ano pa ang maaasahan ng mamamayan?

Show comments