Editoryal - Binangga at iniwan
Editoryal - Binangga at iniwan
(Pilipino Star Ngayon) - July 3, 2020 - 12:00am

Hanggang sa sinusulat ito, hindi pa rin natatagpuan ang 14 na mangingisdang Pinoy na sakay ng FV Liberty 5 na binangga ng MV Vienna Wood noong Sabado ng madaling araw sa Mamburao, Occidental Mindoro. Pauwi na umano ang mga mangingisda sa Navotas nang banggain ng Hong Kong cargo vessel. Tumaob ang bangka sa lakas ng impact. Subalit tuluy-tuloy ang takbo ng barko na parang walang nangyari. Tumakas ang mga ito at hindi man lang tinulungan ang kanilang nabangga.

Mag-uumaga na nang makatanggap ng tawag ang Philippine Coast Guard sa pangyayari kaya mabilis nilang tinungo ang lugar. Pero ang nakita na lamang nila ay ang mga lulutang-lutang na banyera na lalagyan ng isda at bacpack. Wala silang nakitang mangingisda sa lugar. Hanggang sa kasalukuyan patuloy pa rin ang search and rescue operations sa lugar.

Natagpuan naman ang nakabanggang barko sa Batangas at pinigil na ng PCG. Ininspeksiyon na ang barko at nakita ang mga bakas ng bangga sa unahang bahagi nito. Nagpapatunay lamang na ito ang bumangga sa Liberty 5.

Hindi dapat hayaang makaalis ang barko. Kaila-ngang managot ang kapitan at mga tripulante nito. Dapat silang pagbayarin sa ginawa nilang pagbangga at pag-iwan sa mga ito. Hindi nila dapat iniwan ang mga kawawang Pinoy na nasa panganib ang buhay.

Ganito rin ang nangyari noong nakaraang taon nang banggain ng Chinese vessel ang bangkang pangisda rin ng mga Pinoy na Gem-Vir 1 sa Recto Bank. Nangyari ang insidente noong Hunyo 11, 2019. Pagkaraang banggain, tumakas ang barko ng China habang unti-unti namang lumulubog ang Gem-Vir na may 22 mangingisdang Pinoy. Suwerte namang dumaan ang fishing boat ng mga Vietna-mese at tinulungan ang mga Pinoy. Sabi ng kapitan ng Gem-Vir, sadya silang binangga ng Chinese vessel. Nawasak ang unahang bahagi ng bangka. Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang mga crew ng Gem-Vir.

Nagkaroon ng imbestigasyon sa pangyayari at napatunayang binangga nga ng Chinese vessel ang Gem-Vir. Binayaran ang mga mangingisda at pinalitan ang nawasak na fishing boat.

Ang nangyari sa Liberty 5 ay mas matindi sapagkat nawawala ang 14 na mangingisda. Hindi naman dapat sabihin na pangkaraniwang pangyayari lang ito. Ipursigi ng gobyerno ang pagsasampa ng kaso sa may-ari ng MV Vienna Wood. Kailangang makamit ang hustisya. Ipagpapatuloy naman ng Coast Guard ang paghahanap sa mga mangingisda.

PHILIPPINE COAST GUARD
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with