PAMALIT ang contact tracing sa COVID-19 lockdowns. Pero malimit di maalala ng subjects lahat nang pinuntahan at tinagpo. Kailangan ng tulong ng tech. Merong boluntaryong app, gamit ang Bluetooth o Wi-Fi, para ma-store sa gadgets ng users lahat ng tagpo, saan, kailan, at gaano katagal. Kapag naimpekta ang isang user sasabihan niya ang system, walang identity o location. Iaalerto lahat ng na-expose para magpa-test at isolate.
Uubra ‘yon kung bawat isang Pilipino ay may smartphone.
Kikiling sa kanayunan ang ekonomiya. Pagkain ang titinding kalakal. Sisipa ang pagtatanim, pangingisda, poultry, livestock, piggery, dairy, forestry, at materyales at makinarya. Kakailanganin nang mabilis at kumpletong impormasyon online para sa taga-nayon tungkol sa bumibili, bulto, presyo, pondohan, sasakyan. Pati training ay online.
Muli, uubra ‘yon kapag bawat isa sa atin ay may smartphone.
Dapat na bumalik-eskuwela ang mga bata, kundi’y mapupulpol sila. Pero hangga’t walang bakuna kontra COVID-19 kailangan pa ring mag-physical distancing. Kakain ito nang malaking espasyo. Lalong kukulangin ang dati nang konting classrooms. Kaya mas gagamitin ang online learning. Kokonekta sa teacher ang estudyante na nasa bahay. Kanya-kanyang sulok magwa-Wi-Fi ang magkakapatid. Mula pa dekada ‘90 marami nang online-learning modules sa iba’t ibang subjects: Reading, Writing, Math, Sciences, Social Studies, at iba pa.
Maisasakatuparan ito kung lahat ay magkakaroon ng smartphone.
Posible kayang pag-isahing programa ang app-based contact tracing, info-tech sa kanayunan, at online schooling? Umano, 75% ng 110 milyon Pilipino ang naka-Internet. Samakatuwid, puwera mga sanggol at musmos, 20 milyon pa ang walang smartphones. Maari bang ang susunod na social amelioration ng gobyerno ay bigyan sila ng gadget at koneksiyon? Hindi kailangang high-end. Basta may Wi-Fi puwede na – para sa kalusugan, kabuhayan, at edukasyon.