Hindi makatarungan sa ABS-CBN
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - May 28, 2020 - 12:00am

(Unang bahagi)

Walang pag-aalinlangan na lahat ng tao ay may kara­patan sa sarili nilang opinyon lalo ang mga nagsusulat ng artikulo sa diyaryo. Nakapaloob ito sa ilalim ng Saligang Batas o sa tinatawag na “freedom of expression”. Katapat ito ng responsibilidad ng manunulat na ipaalam sa publiko ang totoo tungkol sa kanilang mga artikulong sinulat. Hinihingi ng interes ng nakararami na dapat tama, totoo at parehas ang kanilang isusulat.

Kaya nakakatakot isipin na napakaraming artikulo sa diyaryo at social media na base lang sa sariling ideyolo­hiya at paniniwala, kumakampi at hindi parehas at minsan pa ay dala lang ng inggit. Dahil dito, napilitan akong magsulat tungkol sa ABS-CBN Broadcasting Corporation upang imulat ang publiko sa totoong kalagayan ng kompanya na ngayon ay paksa ng mga opinyon sa diyaryo. 

Ayaw ko sanang magsulat tungkol sa isyung ito dahil na rin sa koneksyon at personal na interes ko sa higanteng TV network na naglalabas tuwing Sabado ng legal drama anthology ko na “Kapag nasa katwiran, Ipag­laban Mo”. Dahil nga dito ay siguradong iisipin ng mga mambabasa na kampi ako at pabor sa kanila. Kaya lang ako naglabas ng artikulong ito ay para ipakita na mali, hindi tama at mapanlinlang ang ibang opinyon laban sa network.

Una, gusto ko lang ipaalam na may iba’t ibang pagdinig tungkol sa ABS-CBN na nakabinbin ngayon. An­d­yan­­­­­ ang pagdinig ng Kongreso sa panibagong prangkisa para payagan muli ang operasyon nito sa loob ulit ng 25 taon, ang Petition for Quo Warranto ng Solicitor Ge­neral tungkol sa diumano ay mga paglabag na ginawa sa prang­kisa ng ABS-CBN at ang Petition for Certiorari with Prayer for Temporary Restraining Order laban sa NTC. Dahil nga sa mga kasong ito, anumang pagbatikos o puna, maging totoo o mali man ay maaaring maging basehan­ ng paghadlang sa hustisya at maging “sub-judice”.Kaya hindi tama at kung tutuusin ay bawal magbigay ng anumang komento o opinion tungkol sa isyu.

(Itutuloy)

ABS-CBN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with