Kasabwat (Huling bahagi)

Umapela sa Supreme Court sina Boyet at Sonny at sinabing si Pilo lang ang gumawa ng krimen. Pero sumang-ayon sa kanila ang SC. Nagpanggap si Boyet at Sonny bilang si Marco habang nangyayari ang negosasyon sa kotse. Nang ialok ni Boyet ang kotse sa bumibili ay nagpakilala siyang si Marco na may-ari. Nang ipakilala naman siya ng bumibili sa kapatid nitong pulis ay pinanindigan niya na siya si Marco. Samantala, nang arestuhin sila ng mga pulis, si Sonny naman ang nagsasabing siya si Marco habang nakatahimik lang si Boyet kahit noong una ay siya ang nagpapanggap bilang si Marco. Ang mga insidenteng ito ay nagtuturo na pareho nilang pinagta-takpan ang tunay na katauhan ng may-ari ng kotse.

Idagdag pa rito, ayon sa mga salaysay, sirkumstansiya at ebidensiyang nakalap, lumalabas na pareho ang layunin nina Boyet at Sonny kay Pilo, at ito ay ang pagkarnap sa sasakyan para maibenta sa murang halaga at makakuha sila ng perang kanilang kailangan. Ang sabwatan ng tatlo ay hindi kailangan na mapatunayan ng direktang ebidensiya. Sapat na maipakita ito ng kilos, kondisyon at mga sirkumstansiya sa krimen.

Taliwas sa pagtanggi nina Boyet at Sonny na wala sila sa bahay ni Pilo nang mangyari ang pagbaril at pagpatay kay Marco, lumalabas sa pisikal na ebidensiya na nagpositibo sa nitrate ang dalawa. Ibig sabihin, nasa malapit lang sila nang iputok ang baril. Kung tutuusin, kaya lang magkakaroon ng tinatawag na powder burn ang isang tao ay kung siya mismo ang nagputok at kumalabit sa gatilyo ng baril.  Hindi sila puwedeng magpalusot at sabihin na kaya lang may bakas ng nitrate ay dahil sa paninigarilyo nila dahil magkaiba ang lalabas na bakas.

Isa pa, sapat na mapatunayan ang krimen ng robbery with homicide sa pagkakaroon ng pagpatay na nangyari dahil sa pagnanakaw. Napatunayan din ang sabwatan. Kaya lahat sila ay dapat managot bilang principal kahit ano pa ang ginawa nilang partisipasyon sa krimen dahil ang ginawa ng isa ay ginawa ng lahat. Sa kasong ito, ang may-ari ng kotse ay pinatay habang ginagawa ang karnapping para makuha ang kotse at papeles ng rehistro (People vs. Dela Cruz, Salvador and Beloso, G. R. 83798, March 29, 1990).

Show comments