PNP chief Gamboa, minamalas ba?

May balat kaya sa puwet si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa? Ang katanungang ito ay umiikot sa Camp Crame dahil sa mga indulto na tumama kay Gamboa sa maikling panahon nang panu­nungkulan niya bilang hepe ng PNP. Matatandaan na si Gamboa ay hinirang na Officer-in-Charge ng PNP bago mag-birthday si dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde noong Nobyembre 8. Pagkatapos ng mahabang konsul-tasyon, ginawa siyang permanent PNP chief ni Digong.

Di pa nga nakapag-enjoy si Gamboa sa puwesto n’ya, aba sumabog ang Taal Volcano kaya sabak kaagad siya sa trabaho at nakapasa naman with flying colors sa unang pagsubok sa kanya. Matapos ang Taal Volcano eruption, bumagsak naman ang helicopter na sinasakyan ni Gamboa habang pa-take off matapos mag-inspection sa compound ng Highway Patrol Group (HPG) sa San Pedro, Laguna. Galos lang ang inabot ni Gamboa subalit ang dalawang kaklase niya sa Philippine Military Academy (PMA) Class ‘86 na sina Maj. Gen’s. Jovic Ramos, hepe ng Directorate for Comptrollership at Mariel Magaway, chief ng Directorate for Intelligence, ay nasa ospital pa hanggang ngayon.

Hindi pa nahihimasmasan si Gamboa sa chopper crash, nanalasa naman ang COVID-19 sa Pinas. Kaya nawala ng ilang araw sa sirkulasyon si Gamboa ay dahil nag-self quarantine matapos makahalubilo ang ilang go-vernment officials na positibo sa virus. Ang maganda lang dito negatibo si Gamboa.

Muling nasilayan si Gamboa noong nakaraang Linggo matapos mamudmod ng P500 hazard pay sa mga pulis na frontliners. Nag-ikot din siya, kasama si National Capital Region Police Office Maj. Gen. Debold Sinas, sa mga Special Care Facilities sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kung saan naka-billet ang mga pulis na apektado ng COVID.

Halos apat na buwan pa sa puwesto si Gamboa at ang panalangin ng mga kosa ko, sana puro buwenas naman ang dumating sa kanya. Abangan!

Show comments