Bakit kulang sa nutrisyon ang mga kabataan?
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - January 30, 2020 - 12:00am

Tama si Senadora Cynthia Villar. Kulang sa sustansya ang mga kabataan kaya may kahinaan sa pag-aaral. Sa isang pahayag ng Senadora kamakailan, sinabi niya na kulang sa tamang nutrisyon ang mga kabataang estudyante kaya apektado ang kanilang learning capability. Ngunit bakit ganyan ang situwasyon? May dalawang dahilan:

Una, panahon ngayon ng puro “instant” at sitsirya na imbes na makabuti ay lalong nakasasama sa kalusugan ng tao. Mahilig ang mga kabataan ngayon sa pulos junk food; Pangalawa, bihira na tayong makatikim ng mga sariwang gatas at gulay dahil unti-unting nababawasan ang mga lupaing taniman ng mga gulay at palay at pastulan ng baka at kalabaw. Noong araw, nakakabili pa ng sariwang gatas ng baka at kalabaw pero bihira na ngayon.

Palibhasa’y nawawala ang mga agricultural lands na ginagawang mga first class subdivisions at industrial estates. Sasabihin marahil ng iba, bahagi iyan ng pag-unlad ng bansa. Ngunit dapat balansehin ang ano mang pagsisikap na mapaunlad ang bansa at hindi dapat payagang maburang ganap ang pagiging agricultural country ng bansa.

Ngunit malamang mawala ang katangian nating iyan kapag naubos ang mga lupaing dapat inilalaan sa agrikultura. At kung palagi na lang aangkat ng mga produktong pagkain ang Pilipinas, papaano na ang ikabubuhay ng mga magsasakang Pinoy? Isang masakit na katotohanan na pati mga magsasaka ay humahanap na ng ibang mapagkakakitahan at maging ang mga anak nila ay ayaw nang magsaka.

Mahalaga sa alin mang bansa ang kasapatan sa pagkain at diyan tayo pinagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng mga lupaing angkop na taniman ng ating gulay na makakain. Kung darating man ang taggutom, ang mga industriyalistang bansa ay magdaranas ng gutom pero tayo ay may makakain pa.

Gawin nating halimbawa ang mga mauunlad na bansa tulad ng Australia at New Zealand na nananatiling mga bansang agricultural Sa kabila ng kanilang mataas na klasipikasyon sa hanay ng mga nasyon sa daigdig.

Kaso, dito sa atin, kahit may batas nang nagbabawal sa conversion ng mga lupaing agricultural, patuloy ang pag-usbong ng mga subdivision sa mga lupaing dating taniman ng palay.

CYNTHIA VILLAR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with