Makikisesyon
REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda (Pilipino Star Ngayon) - January 22, 2020 - 12:00am

HINDI na magkandaugaga ang Pamahalaang Nasyonal at ang mga Pamahalaang Lokal sa tindi ng hinaharap na hamon matapos ang pagsabog ng Bulkang Taal. Maging sa pagitan nila mismo, National vs City vs Municipality vs Province, ay hindi maiwasan ang tensyon. Kung sapat ba ang calamity fund para sa emergency na panga-ngailangan; kung bakit hindi pa sila hayaang bumalik sa kanilang tinitirahan o muling maghanapbuhay, at iba pa.

 Kabilang ito sa mga katwirang nagtulak sa ating mababang kapulungan na idaos ang kanilang sesyon sa araw na ito sa Batangas Convention Center nang sila’y mapalapit sa sentro ng kalamidad. Ito nga nama’y isang mabilis na paraan upang marinig nila mismo sa bibig ng mga nagsilikas, sa mga ahensyang sumasaklolo, sa mga kinatawan hindi lamang mula sa Batangas kung hindi na rin galing sa Cavite, Laguna at iba pang karatig probinsiya. Ano ang kulang at saan nagkulang; ano pa ang maaring ibigay na tulong? Sarili nilang mga mata ang makasasaksi sa bigat ng karanasang dinaranas ng kanilang mga kababayan; ang mga nakapanghihinang kondisyon sa evacuation centers; ang kalagayan ng mga negosyo at agrikulturang nasalanta.

 Ang Batangas Convention Center ay nasa Batangas City na hindi naman sakop ng danger zone. Marami ring activity na kasalukuyang nakasentro sa lugar na ito. Bagamat maaring makasagabal ang pagdaos ng sesyon ng mga Representante, ito’y maliit na bagay kung ihambing sa kabutihang maidudulot. Ang pagdalo rin ng mga kinatawan mula sa lahat ng bahagi ng kapulungan ay matinding simbolo ng pakikiisa ng buong Pilipinas sa kalbaryo ng mga Batangueño.

 Bago matapos ang araw na ito, malamang ay naipasa na ang panukala sa pagtatag ng bagong Department of Disaster Management; at pihadong may ilang bilyon ding karagdagang pondo na aaprubahan para sa mga pangangailangan.

Sa ganitong mga panahon, lubos na kinakailangan ang ganitong uri ng liderato upang mas maagap nating harapin ang mga hamon ng pagkakataon.

BULKANG TAAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with