EDITORYAL - Tigil na ang deployment ng OFWs sa Kuwait
(Pilipino Star Ngayon) - January 17, 2020 - 12:00am

SALAMAT at itinigil na rin ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait. Malinaw sa resolus­yon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ipinatitigil na ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait. Lahat nang manggagawa ay hindi na papayagang makapasok sa Kuwait. Lahat nang uri at kategorya ng mangga­gawa ay sakop sa malawakang deployment ban.

Ang total ban ay inisyu ng POEA base sa rekomendasyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III, kasunod nang kalunus-lunos na pagpatay sa 26-anyos­ na domestic helper na si Jeanelyn Villavende. Bi­nugbog hanggang sa mapatay si Jeanelyn ng kanyang amo noong Disyembre 26. Sa medico legal report, nakita ang pagkabasag ng bungo ni Jeanelyn. Ang mas nakakahilakbot, nakita rin ang palatandaan na ito ay ginahasa. Ang nakagagalit pa, hindi lumabas sa report ng Kuwait medico legal na ginahasa si Jeanelyn. Itinago pa ng Kuwait ang totoong nangyari. Ito ang dahilan kaya tuluyan nang itinigil ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait.

Base sa direktiba ng POEA, ang lahat nang mga manggagawa na kasalukuyang nasa Kuwait ay tatapusin na lamang ang kontrata at pauuwiin na sila. Wala nang papayagan pang makabalik sa nasabing bansa, ayon sa direktiba.

Si Jeanelyn ang ikalawang Pinay na pinatay sa Kuwait noong 2019.

Noong Mayo 14, 2019, binugbog at napatay din ng kanyang amo si Constancia Dayag. Puro pasa ang katawan ni Dayag nang dalhin sa ospital. May nakita pang nakapasak na pipino sa ari ng kawawang Pinay. Hanggang ngayon, hindi pa nakakamit ni Dayag ang hustisya.

Noong 2018, pinatay din ng kanyang amo si Joanna Demafelis. Nadiskubre ang bangkay ni Demafelis sa isang freezer sa abandonadong apartment sa Kuwait. Pinatay siya sa sakal ng mga amo.

Itinigil ng Pilipinas ang deployment ng domestic helpers sa Kuwait dahil sa pangyayari kay Demafelis. Pero nangako ang Kuwait sa Pilipinas na puproteksi­yunan ang mga Pinoy workers doon subalit isang mala­king kasinungalingan sapagkat nagpatuloy ang pang-aabuso, panggagahasa, pambubugbog at pagpatay.

Tama at nararapat lang ang pagpapatigil sa pagpapadala ng workers sa Kuwait. Matitigil na rin ang kahayupang ginagawa ng mga Kuwaiti. Babantayan naman ng POEA at DOLE na baka may maipuslit na workers doon.

OFW PHILIPPINE OVERSEAS EMPLOYMENT ADMINISTRATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with