See-saw policy sa peace talks
AKSYON NGAYON - AL G. Pederoche (Pilipino Star Ngayon) - December 14, 2019 - 12:00am

ANG tanong ng isa kong kaibigan: “Bakit parang see-saw ang trato ng pamahalaang Duterte sa pakikipagnegosasyon sa mga lokal na komunista?

Minsan nga naman, kapag napipikon ang Pangulo sa mga negatibong pahayag ni Communist Party Leader Jose Ma. Sison, ihahayag niyang “wala nang gaganaping peace talks” kasabay ng pagdedeklara na aarestuhin na ang mga Communist party leaders sa bansa.

Noong una at ikalawang pagbibigay ng ganitong pahayag ay sinuportahan ko ang desisyon ng Pangulo. Akala ko seryoso siya. Ngunit hindi kalaunan ay mababalitaan na lang natin na itutuloy ang peace negotiation. Wala nang kredibilidad ang ano mang sasabihin ng Pa-ngulo dahil sa isang iglap ay puwede niya itong baguhin.

Sa totoo lang, hindi na dapat makipag-peace negotiation ang pamahalaan sa mga rebeldeng komunista dahil hindi naman nila talagang gusto ang kapayapaan. Mantakin niyo na magkakasundo ng tigil-putukan pero umaariba pa rin ang mga mandirigmang rebelde sa kanilang pananambang sa mga inosenteng tao, paniningil ng revolutionary tax at pagsabotahe sa ari-arian ng mga ayaw magbigay ng tong sa kanilang extortion activities. Ang gawain nila ay gawain lamang ng mga tulisan at walang hangad na bumuti ang kalagayan ng bansa.

Iyan ang nangyayari: “wala nang peace talks, ituloy ang peace talks, etc...” lubhang paulit-ulit na at nakakairita sa tenga. Sana naman, sa susunod na magdeklara ang Pangulo na wala nang peace talks, panindigan niya ito dahil nakaka-walang bilib kung ang sariling salita niya ay babaliin niya. Pati ang mga komunista ay pagtatawanan lang siya sa susunod na sasabihin niya iyan.

Kay daming ordinaryong kriminal na kapag nagnakaw o gumawa ng petty crimes ay kulong agad. Pero ang mga New Peoples Army na mas malubhang krimen ang ginagawa ay parang may lisensya para gawin ito. 

Okay lang na ang mga magbabalik-loob sa pamahalaan ay patawarin at tulungan porke nalason lang marahil ang isip ng isang mapanlinlang na ideyolohiya. Pero yung mga patuloy na gumagawa ng krimen at naghahasik na karahasan, labanan at yung mga mahuhuli ay ipagharap ng karampatang demanda. 

COMMUNIST PARTY LEADER JOSE MA. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with