^

PSN Opinyon

Tiklo sa batang kinidnap

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

ANG “kidnapping” ay sapilitang pagkuha at pagkukulong o kaya ay pag-alis ng kalayaan sa isang tao na pinarurusahan sa ilalim ng batas (Art. 267 – Revised Penal Code). Kapag ang kinidnap ay menor de edad mas mabigat ang parusa. Maaaring reclusion perpetua o kaya ay kamatayan. Laging mas mabigat ang parusa kapag bata ang kinidnap dahil ito ang pinakasagrado o pinakamahalagang kara­patan na masasaling ng isang tao kahit ano pa ang dahilan niya sa paggawa ng krimen. Laging mahigpit ang parusa tulad na lang sa kaso natin ngayon.

Ang kasong ito ay tungkol kay Mikaila, isang tatlong taong gulang na bata na anak nina Cecil at Joel. Isang hapon, pumunta sa isang malaki at kilalang department store sa Maynila ang mag-ina. Habang namamasyal sa ikalawang palapag, napansin na lang ni Cecil na nawawala ang anak sa tabi niya. Agad niyang ipinagbigay-alam sa isang sales­lady ang tungkol sa pagkawala ng anak. Inutusan siya ng sales lady na pumunta sa ground floor at hanapin ang paging station para ipanawagan ang anak.

Labing-limang minuto pagkatapos niyang manawagan ay dumating sa mall ang isang traffic enforcer, si Freddie na kasama pa ang dalawang pulis. Tinanong nila si Cecil kung siya nga ang nanay ni Mikaila at matapos makapagpakita ng mga papel ay ibinigay na sa kanya ang bata. Ipinaalam din ni Freddie kay Cecil ang tungkol sa inaresto nilang kidnapper ni Mikaila. Hiniling ni Freddie kay Cecil na sumama ang babae sa istasyon ng pulis para makagawa ng salaysay.

Palabas ng mall ay nakita ni Cecil ang isang nakaposas na lalaki na pinagtutulungang bugbugin ng galit na taumbayan. Don Don ang pangalan ng lalaki. Nang tanungin siya ni Freddie kung bakit niya kinidnap ang bata ay inamin ni Don Don na interesado lang siya sa suot na alahas ng bata.

Inaresto si Don Don ng traffic enforcer na si Freddie na noon ay nasa lugar at nakarinig sa tuluy-tuloy na pag-iyak ng bata sa loob ng isang pampasaherong jeepney. Nang tanungin ni Freddie ang drayber ay bumulong na “kidnap ito” kaya tinanong naman niya si Don Don kung ano ang nangyayari at ang sagot ng lalaki ay takot lang siya sa maraming tao. Nang bumaba si Don Don ay hinarang siya ni Freddie at inimbitahan na sumama sa presinto. Pumulas ng takbo si Don Don buhat si Mikaila kaya hinabol ni Freddie. Naabutan siya nito sa tulong ng isang pulis na nakamotorsiklo, si Sgt. Esguerra.

Kinasuhan si Don Don sa pagkidnap at sapilitang pagkuha sa tatlong taong gulang na batang si Mikaila. Naging testigo para sa prosekusyon sina Cecil. Freddie at Sgt. Esguerra para patunayan ang lahat ng nangyaring may kinalaman sa kidnapping.

Iba naman ang kuwento ni Don Don sa nangyari. Namimili raw siya noon sa mall nang mapansin ang batang babae na umiiyak sa tabi ng escalator. Si Mikaila ang bata at sinabi raw sa kanya na hinahanap nito ang nanay niya.  Naawa raw siya sa bata kaya sinamahan niya sa paging station na nasa labas ng mall.  Ibinilin daw niya sa isang security guard ang bata pero ayaw kunin sa kanya. Kaya napilitan daw siya na buhatin ang bata. Pero sa labas ay tuloy pa rin ang pag-iyak nito. Doon na siya sinita ni Freddie. Pero dahil sa dami ng taong nakatingin at nanonood sa kanya ay napilitan na lang siya na sumakay ng jeep. Iyon nga lang ay ayaw paandarin ng drayber ang sasakyan kaya bumaba na lang siya. Inatake na siya ng nerbiyos nang dumami ang mga miron. Humingi siya ng tulong kay Sgt. Esguerra pero ayaw din siyang tulungan. Imbes ay inaresto siya ni Sgt. Esguerra sa tulong ni Freddie. Kinontra ni Freddie at Sgt. Esguerra ang sinabi Don Don. Ang sabi raw sa kanila ng lalaki ay tiyuhin siya ng bata.

Mas pinaboran ng korte ang testimonya ng mga testigo ng prosekusyon at pinatawan ng parusang reclusion perpetua kasama na lahat ng parusang puwedeng ihagis kay Don Don dahil sa ginawang pagkidnap sa bata. Umapela si Don Don hanggang sa Supreme Court at ipinilit na wala siyang ginawang krimen bagkus ay tinutulungan lang niya ang bata.

Pero ayon sa SC, kontra sa sinasabi ni Don Don ang mga ebidensiyang inihain laban sa kanya lalo ang testimonya ng pulis na si Sarhento Esguerra. Kung talagang tinutulungan ni Don Don ang bata ay dapat na hindi siya nagsinungaling at nagpanggap na tiyuhin nito. Wala siyang binanggit tungkol sa pagkawala ng bata at imbes ay pinalabas pa na pamangkin niya ito. Kung ang layunin din niya ay hanapin ang nanay ng bata sa may paging station, hindi siya dapat sumakay ng jeep palayo sa lugar. Napatunayan ng prosekusyon na nahuli sa akto si Don Don sa labas ng mall sa tangkang pagkidnap sa bata. Walang pag-aalinlangan na napatunayan ang krimen. Positibo siyang itinuro ng mga testigo na walang dahilan para magsinungaling. Mas katanggap-tanggap ang kanilang mga pahayag kaysa sa pagtanggi niya sa krimen. Mas kapani-paniwala rin ang bersyon ng prosekusyon ng nangyari. Kaya dapat lang na katigan ng SC ang korte (People vs. Luartes, G.R. L-127452, January 17, 1999).

vuukle comment

KIDNAPPING

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with