Ilang panukalang reporma sa PMA

BATAY sa mga saksi at diary niya, sistematikong pinahirapan hanggang mamatay si plebo Darwin Dormitorio ng upperclassmen sa Philippine Military Academy. Walang palu­lusotin sa mga kasong kriminal at administratibo, anang Armed Forces. Wawakasan ang pag-hazing ng mga plebo, dagdag nina bagong PMA superintendent Rear Adm. Allan Cusi at commandant of cadets Brig. Gen. Romeo Brawner. Ang panimula ng reporma ay sa pag-ako na may maling tradisyon sa PMA at halos lahat ng graduates ay dumaan sa pagmaltrato. Lumiham ang isang insider, matagal ko nang source, na humiling na huwag na pangalanan:

“Ang kultura sa PMA ay hubog sa Honor Code na: ‘Kaming mga kadete ay hindi nagsisinungaling, nandaraya, o nagnanakaw, at hindi namin hinahayaan gawin iyon ng sinoman sa amin.’ Pero sa malimit na paglabag ng Code nasasanay ang mga bugok. Kaya nagkaroon ng ibang kahulugan ang mga salitang: (1) ‘Magan’ matapang magbunyag; (2) ‘Take Life’ - lusotan ang parusa sa mga paglabag; (3) ‘Talent’ - makaangat sa pamamagitan ng pagkatuso; (4) Endorsed’ - markado ng upperclassman para pahirapan; (5) ‘Malas’ - pinag-initan ng upperclassman; (6) ‘Malingerer’ - nagsasakit-sakitan para makaiwas sa tungkulin. Anumang bansag ay taglay ng graduates sa buong serbisyo.

“Pansinin ang mga nagbunsog ng trahedya: (1) Nawa­walang bota ng upperclassmen - malimit ang nakawan ng gamit na makikita na lang na suot ng iba; (2) Naubos ng plebo na stipend - na ikinagalit ng upperclassmen na liliit ang koleksiyon; (3) Paggamit ng Taser gun ng mga kasapi ng isang kumpanya na kilala sa electric torture.

“Ilang payo: (1) Bumuo ng Parents Association ng mga kasalukuyang kadete para kumalap ng datos, lalo na tungkol sa Item 2, stipends; (2) Palitan ang honor code ng Code of Conduct, kabilang ang respeto sa pagkatao; (3) makiisa sa CHEd para makapagtapos ng mga AB o BS sa History, Philosophy, Engineering, Computer Science, atbp.”

Show comments