Manager at staff sa casino, nagkaonsehan; naglaglagan

ANG isang bagay na sinimulan sa maling paraan, siguradong sablay din ang kahihinatnan. Maraming napapadpad sa BITAG dahil sa mali at pinagbabawal na negosasyon.

Limang staff ng isang sikat na resort and casino sa Pa­rañaque City ang nagsumbong ng panggogoyo ng kanilang manager. Minodus daw sila nito na investment sa negosyong gulay kuno. Halos P1.5-million ang nata­ngay sa kanila na may pangakong 10% na interes kada buwan. Subalit “pinadama” lang pala sila sa umpisa. Nag­lahong parang bula ang manager. Kaya tumakbo na sila sa BITAG, Pambansang Sumbungan, at inilabas namin ang pagkakakilanlan ng kolokoy.

Makalipas lang ng isang linggo, nakatanggap kami ng tawag mula sa inirereklamong manager. Handa raw siyang ayusin ang kalat na dinulot niya sa kanyang mga staff kaya naman agad kaming nag-schedule ng interview sa kanya. Biyernes, Oktubre 4, pinagharap namin ang dalawa sa programang Aksiyon Ora Mismo. Naloko na, naglaglagan na ang magkabilang panig.

Banat ni Mr. Good Time Manager, hindi naman daw vegetable business ang ipinangako niya sa kanyang mga tao. Alam naman daw ng mga ito na casino ang pupuntahan ng kanilang mga pera. Depensa ng mga empleyado, alam nilang lahat na bawal sa kanilang mga empleyado na mag-finance sa casino. Sinungaling daw ang kanilang manager dahil investment sa gulay ang kanilang transaksiyon.

Hindi ako nadadaan sa mga style na bulok, hindi umuubra sa akin ang anumang palusot. Marami akong katanu­ngang ibinato sa dalawang panig na naghulog sa kanila sa BITAG! Matapos ang laglagan portion, diretsong tanong -- saan na napunta ang pera ng mga empleyado. Ang ina­asahan kong sagot, nalugi na.

Sa huli, nauwi pa rin sa pangako ng inirereklamo na ibabalik lahat ang perang ipinagkatiwala sa kanya. Hindi nga lang biglaan, unti-unti raw niyang paplantsahin ang gusot na kinasangkutan. Kung tutuusin, malayo sa adbokasiya ng BITAG na tumulong sa mga nangangailangan ang pagtanggap sa reklamong ito.

Una, hindi maganda ang layunin ng mga nagrereklamo na kumita ng pera sa pamamagitan ng pag-finance sa casino. Pinagsasamantalahan ang pagiging adik sa sugal ng mga sugarol. Ikalawa, bawal silang magkaroon ng partisipasyon at ugnayan sa mga investment tungkol sa casino. Paglabag ito sa kontratang kanilang pinirmahan bilang empleyado mismo ng casino. Ikatlo, pumasok sila sa isang transaksiyon na walang kasulatan o kasunduan. Umangkla sa tiwala na walang konkretong resulta.

Sumatotal, maling adhikain, bawal na transaksiyon at maling negosasyon, hulog sa patibong ng panloloko. Naka-upload sa Bitag Official YouTube TV ang istoryang ito. Panoorin at matuto! Huwag pumasok sa mga transaksiyong tulad nito!

Show comments