EDITORYAL – Bigo ang drug campaign dahil sa ‘recycling’
(Pilipino Star Ngayon) - September 18, 2019 - 12:00am

BIGO ang Duterte administration sa kampanya laban sa illegal na droga. Kahit araw-araw ay may nahuhuling drug pushers at nakukumpiskang kilu-kilo ng shabu, hindi pa rin malutas ang problema sa droga. Pabalik-balik lang. Patuloy ang bentahan ng droga at maski sa Bilibid ay pinagkakaperahan ito. Laganap din ang droga kahit sa mga liblib na lugar sa bansa. Mas nauuna pang dumating ang shabu sa mga barangay kaysa magkaroon ng kuryente o malinis na tubig. Ganito katindi ang problema sa droga.

Inamin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na patuloy ang “recycling” ng droga at ito ang dahilan kaya hindi malutas ang problema. Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, mga corrupt na pulis at PDEA agents ang nagre-recycle ng droga. Ang mga nakukumpiskang shabu ay muling ibinabalik sa kalye at pinagkakaperahan ng mga tiwaling pulis. Ayon kay Aquino, masyadong talamak ang “recycling” ng droga. Ayon pa sa PDEA chief, mayroon silang sinusubaybayang “drug queen” na bumibili ng shabu sa police officers.

Bigo ang kampanya sa droga at maski si President Duterte ay batid ito. Katunayan, sa kanyang SONA noong Hulyo, sinabi niyang hindi nananalo ang gobyerno laban sa illegal drugs. Ibig sabihin, bigo ang drug campaign. Nagsimula ang kampanya noong 2016 at maraming napatay ang mga pulis sa drug operations o “tokhang”. Bagama’t hindi nana­nalo, nagbanta naman ang President na ang hu­ling tatlong taon niya sa termino ay mas magiging maigting pa. Ibig niyang sabihin, mas pag-iibayuhin pa ang drug campaign.

Ngayong inamin ng PDEA na rampant ang “recycling” ng droga na ang gumagawa ay mga corrupt na pulis, sila pala ang may malaking problema. Kung wala ang mga corrupt na pulis o PDEA agents, maaaring magtagumpay ang kampanya. Mas makabubuti kung unahing “basagin” ang mga corrupt na pulis at baka ito ang susi sa pagtatagumpay ng drug campaign. Alisin sa landas ang mga tiwali.

PHILIPPINE DRUG ENFORCEMENT AGENCY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with