Naging mainit ang pagdinig

BAGO ang pagsibak kay BuCor chief noong Miyer­kules ni President Duterte naging mainit muna ang pagdinig noong Martes sa kontrobersyal na GCTA at muntikang pagpapalaya kay dating Calauan mayor Antonio Sanchez. Maraming nadiskubre noong Martes.

Lumalabas na hinalughog ng pamilya ni Sanchez ang langit at lupa sa pamamagitan ng paghahanap ng padrino para matulungan silang mapalaya ang nabilanggong dating alkalde. Sinulatan ang maraming tao tulad ni Imelda Marcos, mga bise-alkalde ng Laguna pati dating gobernador ng Laguna. Pati si Pangulong Duterte ay sinulatan para mabigyan ng “executive clemency” o pagpapatawad si Sanchez.

Pero ang pinuna ng marami ay ang sulat ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kung saan pina­dala ang sulat ng pamilya Sanchez sa opisyal ng BuCor. Matatandaan na si Panelo ang dating abogado ni Sanchez pero matagal na daw siya bumitiw sa kaso at sa kliyente. Itinangging inendorso niya ang pagpapalaya kay Sanchez. Pinadala lang daw niya ang sulat sa Bureau of Pardons and Parole (BPP) at sila na ang bahala dumesisyon.

Kailangang masabi na kahit ilan pang padrino ang nilapitan ng pamilya Sanchez, nanatiling nakakulong pa rin ang “convicted rapist-killer”. Pero muntik na ngang makalaya kundi nalaman ng publiko at nag­tamo ng matinding batikos ang gobyerno. Ito nga ang reklamo ng pamilya Sanchez sa pagdinig sa Senado. Bakit tila “nagbago ang hangin”, pati na rin ang ipina­ngako umano ni BuCor director Nicanor Faeldon sa kanila. Nag-usap na raw sila at ni Faeldon tungkol sa pagpapalaya kay Sanchez.   

May nag-text daw sa asawa ni Sanchez na mapapalaya na. Pero nang tanungin siya kung sino ang nag-text, hindi daw alam. Hindi rin maipakita ang numero ng text sa kanya, pati ang cellphone na ibinato umano sa tindi ng galit bago nagtungo sa Senado. Bakit niya gagawin iyan kung iyan nga ang ebidensiya na palalayain na nga sana ang kanyang kriminal na asawa? Maipapakita niya sa Senado na kaya sila naghanda sa pagdating si Sanchez ay dahil may nag-text daw sa kanila. May banta daw sa buhay kaya tinanggal ang sim card at ibinato ang cellphone? Talaga?

Naniniwala si Sen. Franklin Drilon na mukhang may tinatago ang asawa ni Sanchez kaya wala na ang cell phone at sim card kung saan nakalagay ang sinasabing “text”. May isa pang pagdinig sa senado. Baka may bagong lalabas na detalye hinggil sa kontrobersyang ito. 

Show comments